PINAIIMBESTIGAHAN ni Deputy Minority Leader Rep. Mujiv Hataman ang walang tigil na brownout sa kanilang probinsya na nagiging dahilan umano para bumagal ang pag-unlad ng mamamayan at naglalagay sa panganib ang mga pasyente sa mga hospital.
Base sa House Bill (HB) 1157 na inakda ni Hataman, nais nitong ipatawag ng Kongreso ang Basilan Electric Cooperative (Baselco) at imbestigahan sa hindi maayos na serbisyo nito at desisyunan kung palalawigin pa ang kanilang prangkisa na nakatakdang mapaso sa 2028.
“Napakahalaga nang maayos na supply ng kuryente sa isang komunidad, lungsod o lalawigan. Kung palagi ang brownout at power outages, malaking hadlang ito sa pag-unlad at sa kabuhayan ng mga mamamayan,” ayon sa kinatawan ng Basilan.
Inamin ng mambabatas na malaki ang nawawala sa ekonomiya ng kanilang lalawigan at iniiwasan sila ng mga investor dahil walang araw na hindi nagba-brownout.
“Dito sa Kongreso, ginagawa natin ang lahat para sa kaunlaran ng ating distrito sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kabuhayan at imprastraktura sa ating mga komunidad. It would be very difficult to capitalize on these gains if we cannot stabilize our power supply,” ayon pa sa kongresista.
Apektado na rin umano ang paghahatid ng serbisyo sa mga Basileños dahil palaging brownout kaya nanganganib ang mga pasyente sa mga hospital sa kanilang lalawigan.
“Imagine the operations of hospitals, dialysis centers, birthing clinics and other health institutions in a situation where almost every two to three hours, there is a power failure. Isa lamang itong halimbawa ng malaking epekto ng power outages sa mamamayan,” dagdag pa nito.
Dahil dito, kailangan aniyang pagpaliwanagin ang BASELCO dahil imbes na katuwang ito sa pag-unlad ng lalawigan at maging ng kanilang mamamayan, ay sila pa ang nagiging dahilan ng kahirapan dahil sa hindi maayos na serbisyo ng nasabing kooperatiba. (BERNARD TAGUINOD)
155