TILA inamin ni Presidential spokesperson Harry Roque na layon talaga ng resolusyong inilabas ng Anti-Terrorism Council (ATC) ay bukod tanging busalan at patahimikin ang terrorist organization na CPP-NPA-NDF.
“Ang pinatatahimik lang po ngayon dahil napasama na nga sa terrorist organization ang CPP-NPA-NDF ay iyong organisasyon ni Mr. Casambre ng CPP-NPA,” ayon kay Sec. Roque.
Sinabi kasi ni National Democratic Front of the Philippines peace consultant Rey Casambre na ang totoong target ng Anti-Terrorism Act ay ang mamamayang Filipino at walang ibang layunin ang ATC sa pagpapalabas ng resolusyon kundi patahimikin ang mga nagsasalita o sumisigaw ng pagbabago sa bayan.
Ito ay matapos tukuyin ng Anti-Terrorism Council si Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison at labing-walong iba pang opisyal nito bilang terorista.
Aniya, walang ibang layunin ang ATC sa paglalabas ng resolusyon kundi patahimikin ang mga nagsasalita o sumisigaw ng pagbabago sa bayan.
Bukod sa CPP-NPA, kabilang din sa mga pinangalanang indibidwal bilang terorista ay may koneksyon sa Dawlah Islamiyah, Abu Sayyaf Group, at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.
Matatandaang idinepensa ng ATC na ‘validated’ ang mga nakuha nilang impormasyon na kasama ang mga ito sa nagpaplano, naghahanda at nagsasagawa ng mga hakbang na may kinalaman sa terorismo. (CHRISTIAN DALE)
179 