NIRATRAT SA LAOT 1 PATAY, 2 MISSING

SULU – Lumutang na bangkay ang isang mangingisda sa dagat habang nawawala ang dalawa pa nitong kasama matapos silang pagbabarilin ng hindi kilalang mga suspek habang nasa karagatang sakop ng lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na biktimang si Crispin Manhuyod Cuer Sr., residente ng Brgy. Dumagoc, Pagadian City.

Habang pinaghahanap naman dalawa niyang kasama na sina Nicanor Cuer at Joseph Delmiquez.

Batay sa report ng Pagadian City-PNP, dakong alas-12:00 ng tanghali nang mangyari ang insidente sa karagatang sakop ng Pangutaran, Sulu.

Lumabas sa imbestigasyon, sakay ang pitong mangingisda ng bangkang pandagat para mangisda nang bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng baril ng armadong mga suspek na sakay ng dilaw na pump boat.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek habang namatay si Cuer Sr. dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Nagsasagawa naman ng rescue operation ang Philippine Coastguard Guard (PCG) Sulu sa dalawang nawawala habang masuwerteng nakaligtas ang apat sa kanila.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

191

Related posts

Leave a Comment