PUI NAGBIGTI  SA OSPITAL 

LUCENA – Nagpakamatay ang isang lalaking person under investigation (PUI) na naka-confine sa isang COVID-19 hospital sa Lucena City noong Lunes ng hapon.

Ayon sa inisyal na ulat ng Lucena PNP, nakita na lamang ng mga security guard ng Quezon Medical Center na nakabigti ang pasyente sa Room 2 ng QMC-PHILHEALTH San Lazaro ward ng nasabing ospital.

Hindi naman pinapasok ng pamunuan ng ospital sa loob ang mga imbestigador dahil ang pinangyarihang ward umano ay ang pinagdadalhan ng mga suspected case ng COVID-19 sa probinsya.

Sinabi ng mga security guard, sa nakabukas na bintana ng kuwarto isinabit ng pasyente ang hindi pa malamang klase ng lubid na ginamit sa pagpapatiwakal.

Wala namang inilabas na pahayag ang ospital at ang Integrated Provincial Heath Office (IPHO) na siyang nangangasiwa sa mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan, hinggil sa pangyayari at sa detalye ng nasabing pasyente.

Ang QMC ang kaisa-isang COVID-19 hospital sa Quezon kung saan mayroong 72 positibong kaso ng nasabing sakit.

Pito sa mga pasyente ang namatay habang 45 ang kasalukuyang ginagamot sa ospital at 20 ang naka-recover. (NILOU DEL CARMEN)

407

Related posts

Leave a Comment