ITO ang simpleng pagsasalarawan sa problemang kinahaharap ng Alto Broadcasting System – Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN) at hindi pag-atake sa press freedom o pagsikil sa malayang pamamahayag katulad nang pagpupumilit ng ilang mapanlinlang na sector kabilang na ang mga dayuhang news at media outfits.
2014 pa nakabinbin sa mababang kapulungan ng Kongreso ang renewal ng prangkisa ng nasabing higanteng network, mga panahon ng kasagsagan ng Liberal Party (LP) ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, dating Senate President Franklin Drilon at dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte na pawang mga kilalang kaalyado at malapit na kasangga ng mga taga-Kapamilya. Pero anong nangyari?
Hindi sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte nagsimula ang kalbaryo ng network, dahil noong anim (6) na taong nakalipas pa dapat na-renew ng ABS-CBN ang kanilang lisensya o prangkisa kaya’t dapat lang malaman ng mga Kapamilya ang tila sadyang paglimot o hindi pagbanggit sa mga pag-uulat sa masaklap na katotohanang ito at marapat din ipagbigay-alam ng pamunuan ng broadcast giant sa kanilang mga empleyado na nanganganib na matanggal sa trabaho, mawalan ng kita at labis na maaapektuhan.
Hindi dapat magpalinlang ang mga mamamayan sa propagandang sinisikil ng gobyerno ang naturang network dahil sa pagiging kritikal nito sa administrasyon at nilalabag ng administrasyong Duterte ang garantiya ng Saligang-Batas hinggil sa malayang pamamahayag – mga alegasyong bukod sa walang basehan ay nag-uumapaw sa kasinungalingan.
Hindi biglaan ang pagpapasara sa higanteng network dahil panahon pa nang paboritong presidente ng Kapamilya at sanggang-dikit na alagang si Noynoy Aquino ay dapat inihain na ang panukalang renewal ng kanilang nag-expire na prangkisa. Kasagsagan nang pamamayagpag ng LP at tandem nina Drilon at Belmonte sampu ng kanilang hanay na pawang mga dilawan sa pinagsanib na puwersa ng Kamara.
Paalala lamang sa lahat, ‘no one is above the law, not even ABS-CBN’. Kung ang jeepney, tricycle, bus, taxi, Angkas at Joyride na kapag pumasada nang walang prangkisa ay hinuhuli ang driver at ini-impound ang sasakyan, dapat sa mayayaman ay ganoon din. Ang ordinaryong mamamayan na lalabas ng bahay sa panahon ng ECQ o GCQ na walang quarantine pass mula sa barangay ay aarestuhin, na tama lang dahil walang tinitingnan ang batas – lahat ay pantay-pantay. Ang mga estudyanteng hindi nakapag-enrol dahil walang pera ay hindi pinapayagang makapasok sa paaralan dahil mahigpit ang panuntunang ‘no ID, no entry’. Ganyan-ganyan ang tamang pagtrato sa television network – walang permit, walang pagsasahimpapawid.
Isang pribado, maya-man at makapangyarihang kumpanya ang ABS-CBN na may kakayahang ayusin ang gusot na kinahaharap nito dulot ng ‘NO FRANCHISE, NO BROADCAST’. Hindi pagkitil sa press freedom kung hindi simpleng pagsunod sa mga batas na ipinaiiral ang usaping bumabalot dito kung kaya’t lumalabas na ‘disservice to the Filipino people’ na kaladkarin pa nito ang buong bayan sa pribado nilang problema.
Tayo ang tunay na biktima sa krisis na dala ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 at hindi ang Kapamilya. Maaalala pa rin kaya tayo ng Kapamilya kapag dumating na ang singilin sa kuryente ng Meralco, tubig ng Maynilad o Manila Water, credit card ng Metrobank, matrikula sa iskwela at kung ano-ano pa?
Laganap ang hirap at pagsubok na dinaraanan natin mula sa pagkalat ng virus, lockdown, napipintong economic recession at nagbabadyang pagtaas ng unemployment. Ito ay mga seryosong pampublikong problema na higit dapat pag-ukulan ng panahon at atensyon ng gobyerno at hindi ang problema ng isang pribadong negosyo na nagpupumiglas mag-broadcast kahit walang congressional franchise.
Huwag na tayong pagamit sa drama ng iba na sila ay “biktima”, na patay na ang press freedom sapagka’t higit na marami pa ang mga kredibol sources ng broadcast katulad na lang ng GMA-7, CNN, PTV-4, Net25, UNTV, TV5, One NEWS, DZRH, DWIZ, BomboRadyo, Saksi Ngayon, Pilipino Mirror, Philippine Star at marami pang iba.
185 