(NI JESSE KABEL)
PATI foreign athletes na lalabag huhulihin
TINIYAK ng Philippine National Police na hindi exempted ang mga banyagang kalahok sa 30th Southeast Asian Games sa mahigpit na pagpapatupad ng “no smoking/vaping” sa lahat ng venue ng mga gaganaping kompetisyon.
Nilinaw ni PNP OIC Lt Gen. Archie Francisco Gamboa na ang mga maaaresto sa gagawing nationwide crackdown sa paggamit ng electronic cigarettes o vapes sa mga pampublikong lugar ay hindi makukulong subalit dadalhin pa rin sa presinto at iba-blotter.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng verbal order ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal na ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director P/Brig. Gen. Debold Sinas, dadamputin ng mga awtoridad ang mga gagamit ng vape sa SEA Games venues, iba-blotter at kukumpiskahin ang kanilang vape instrument o e-cigarettes, na magsisilbing ebidensiya.
Binigyang diin ni Sinas, hindi naman ilegal ang pagdadala lang o pagbibitbit ng vape, subalit ibang usapan na kung gagamitin ito lalo sa SEA Games venues.
Ito ay dahil wala pang pinagtibay na batas ang kogreso hinggil dito, o local ordinance para maging basehan ng mga awtoridad.
Inamin ni Gamboa na ang tanging basehan sila sa ngayon ay ang Executive Order 26 o ang local ordinances para sa smoking ban.
“We are just exercising police power of protecting public interest which is public health. Alam nyo kasi ang sinasabi kasi natin dito, even on decisions of the Supreme Court they say there is a hierarchy of rights. Prime among those are those that concern national interest, public health, national security and all those things… kaya nga yung pinoproteksyunan natin, yung higher interest. Kung makita nyo sa EO, yun ang unang whereas clause,” paliwag niya.
“Ang premise kasi natin talaga is public health. Alam mo naman we are trying to protect public health tapos alam mo na ginagamit yung vape. Sinabi ng presidente na bawal yan, to discourage lang naman. Ang suggestion ko nga huwag nyo na kaming i-challenge. Very simple lang naman, huwag na tayo gumamit ng vape. If you want to use vape, use it in private places, not in public places,” sabi pa ni Gamboa.
Tiniyak naman ng PNP chief na walang paglabag sa karapatang pantao ang gagawing pag- aresto sa mga mahuhuling gumagamit ng vape.
310