SIMULA nitong Lunes, Setyembre 14, itinaas ng Office of Civil Defense-Bangsamoro Autonomous Region (OCD-BAR) sa Red Alert ang alert status nito kasabay ng pagdaraos ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Epektibo ang nasabing alert level hanggang ngayong Martes, Setyembre 15, para sa mas mahigpit na monitoring, koordinasyon at operational readiness sa buong panahon ng halalan.
Nabatid na ibababa sa Blue Alert Status ang alert level sa Setyembre 16 at inaasahang ibabalik sa White Alert sa Setyembre 17, depende sa sitwasyon at progreso ng mga election-related activities.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng OCD-BAR sa mga katuwang na ahensya at stakeholders upang matiyak ang tuloy-tuloy na monitoring, epektibong koordinasyon at mabilis na pagresponde sa anumang emergency o insidenteng maaaring mangyari bago, habang at pagkatapos ng halalan.
Samantala, isinailalim na sa COMELEC control ang Cotabato City at Maluso, Basilan, bunsod ng mga naitalang shooting incident at pagsabog.
Nagdesisyon ang Commission on Elections (COMELEC) en banc na ilagay sa ilalim ng kontrol nito ang Cotabato City dahil sa ilang insidente ng pagpapaputok ng baril at pagsabog, kabilang ang paggamit ng improvised explosive device (IED).
Inilagay din sa COMELEC control ang Maluso, Basilan bago magsimula ang botohan dahil sa mga security concern.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad na nagkaproblema ang mga balota sa 36 sa 68 presinto, matapos lumitaw na pre-shaded na ang mga ito. Sinabi ng COMELEC na natukoy na nito kung sino ang nasa likod ng insidente.
Kaagad namang ipinag-utos ang reprinting ng mga balota para sa 36 presinto habang nagpapatuloy ang 2026 BARMM Parliamentary Elections.
(JESSE RUIZ)
63 