BISTADOR ni RUDY SIM
UMANI ng samu’t saring reaksyon mula sa taumbayan ang pagkakatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay dating Senador at boxing champion Manny Pacquiao bilang kalihim at lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
May kanya-kanya kasing opinyon ang taumbayan sa kakayahan ni Pacman na pamunuan ang ahensya upang solusyunan ang krisis sa bansa.
Isa si Pacquiao sa mga atletang Pinoy na nagbigay-karangalan sa bansa sa kanyang husay sa larangan ng sports ngunit pagdating sa pulitika ay dapat credentials, performance at kakayahan ang basehan hindi ang kasikatan.
Isa lamang kayang paghahanda para sa 2028 ang pag-endorso kay Pacquiao upang masiguro na makuha ang simpatya ng publiko sakaling muling tumakbo sa pagka-pangulo si BBM at maging solido ang ticket ng manok ng administrasyon sa Senado?
Kinuwestyon ni Atty. Israelito Torreon ang interes sa negosyo ni Pacquiao sa pagpasok ng Ignite Power at planong joint venture sa South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO III) kung ito ba ay pagkakatiwalaan ng publiko na naaayon sa kanyang mandato na solusyunan ang kahirapan at protektahan ang mga taong mas nangangailangan ng proteksyon, tulong at serbisyong pang gobyerno lalo sa mga kababayan nating nakakaranas ng hirap at diskriminasyon upang mas maipaabot ang tamang serbisyo para sa kanila.
Ano ang kakayahan ng isang boxing legend na itumba ang kahirapan ng maraming Pilipino na sa bawat araw ay pinagkakasya ang maliit na kita kada araw upang mabuhay at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya lalo sa panahong ito na pagsadsad ng Piso at walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na hindi ramdam ng mga opisyales ng pamahalaan.
Imbes na makabuti ang pagkakatalaga kay Pacquiao ng Pangulong BBM Ito kaya ay makakabuti sa marami o para lamang sa mga mapagsamantalang negosyante ang makinabang at unahin ng opisyal ang kanyang personal interest na manghimasok ang kanyang negosyo na lalong magpapahirap pa lalo sa kabisayaan at Mindanao na imbes maramdaman at mapabuti ang supply ng elektrisidad ay lalong makuryente ang kanilang butas na bulsa.
Ilang taon na lang at papasok na ang 2028 at muling mamimili ang ating mga kababayan ng mamumuno sa bansa pero ang tanong ay mayroon kayang eleksyon sa dalawang taon pa na hihintayin natin o magkakaroon ng martial law kagaya na lamang ng pahayag ni Pacquiao noong 2022 na sakaling manalo si BBM ay magkakaroon ng kahirapan at kapit tuko sa puwesto kagaya na lamang sa mahigit 20 years na pamumuno ni Marcos Sr.
Ang pagpapadakip ng gobyerno sa mga kalaban nito sa pulitika at sa mga walang tigil na nakikipaglaban upang mapanagot ang mga totoong nakinabang sa flood control ano kaya ang kahihinatnan nito? Ang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay hindi napapansin ngunit Ito ay patuloy at lalong nagsasamantala ang mga ilang nasa posisyon.
56 