OFW DISCOUNT BENEFIT ISINUSULONG

BAGONG BAYANI kung ­ituring ang Overseas Filipino Workers (OFWs), ngunit tila hindi maramdaman ng mga OFW ang pagtratong ito. Katunayan, mas naniniwala ang nakararaming OFW na ito ay isang salitang pambobola lamang.

Nitong panahon ng pandemya, ay nabigyan ng pansin ang mga OFW.

Una ay naglabas ng 5 Bilyon pisong pondo galing sa Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan Act ang pamahalaan para ipamahagi sa mga OFWs na naapektuhan ng pandemya sa ilalim ng DOLE-AKAP Cash Assistance program.

Gayundin ay naglaan din ng 5 bilyong piso na ipinaraan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inilaan naman para sa pagkakaloob ng libreng hotel accommodation na ginamit na quarantine facilities, food at transportation pauwi sa mga probinsiya.

Umabot sa 208,196 na OFW ang nakinabang sa tulong na ito ng gobyerno.

Ngunit bukod dito naisip ko tuloy na muling halungkatin ang impormasyon kung ano nga ba ang benepisyo na natatangap ng mga itinuturing na mga Bagong Bayani?Sa totoo lang, bilang dating  OFW, iilan lamang ang nalalaman namin na benepisyo na nakukuha.

At karamihan dito ay galing sa OWWA. Ngunit katuwiran ng maraming OFW ay dapat lang na makatanggap ng benepisyo sa OWWA dahil yun ay binayaran ng OFW sa halagang $25 kada dalawang taon.

Gayundin ang benepisyo na galing sa PhilHealth, PAG-Ibig, SSS na binabayaran din ng mga OFW bago pakinabangan.

Sa kaisipan ng maraming OFW, ay wala talagang direktang inilaan ang ating gobyerno na pagpapakikita ng pagmamahal sa sektor ng OFW na katulad ng sa Senior Citizens, PWD at Solo Parents.

Kung kaya, aking isinusulong ang panawagan na gumawa ng isang panukalang batas na magbibigay ng OFW Discount ­benefits para sa sektor ng mga OFW at pamilya ng OFWs.

May ilang personalidad at grupo ang tumututol sa panukala kong ito. Katwiran nila ay sa dami raw ng mga OFW at pamilya ng OFW ay malamang daw na malugi ang mga establishments kung magbibigay ng diskwento.

Ngunit kabaligtaran naman ito ng aming pananaw, dahil mas naniniwala ako na mas lalong ­lalakas ang komersiyo kung sakaling mahikayat ng mga establsihments na ito ang mga OFW at pamilya ng OFW na mamili sa establishments na magkakaloob ng diskwento.

Bilang patunay ay nagpasimula ang AKOOFW sa pakikipag-usap sa ilang piling establishments upang hikayatin ito na magbigay ng ­diskwento sa sinumang miyembro na magpapakita ng AKO OFW I.D Card.

Kabilang sa nagbigay ng diskwento ay ang The Medical City Clark, SKY Medical and Dental Center sa Davao City at ilan pang establishments na nasa ibang bansa na katulad ng Aristocrats Restaurant (Kuwait) TAG Cargo (Kuwait).

Ginawa ng AKOOFW ang ­pangunguna na ito upang patu­nayan na maliit man o malaki ang negosyo, ang pagbibigay ng ­diskwento sa mga OFW ay makakatulong din sa paglaganap ng kanilang negosyo.

At sa hanay naman ng mga OFW ay tiyak na lubos nilang mapapakinabangan ito lalo na kung ito ay isasabatas.

Maituturing na isa lamang itong paglalambing ng mga OFW para patunayan na ang katawagan na Bagong Bayani ay hindi lamang isang “Lip Service” o pampalubag lamang.

Sa kasalukuyan, ang AKOOFW ay nakatakdang makipagpulong sa Manila Doctors Hospital at Florida Bus Lines upang hikayatin ang mga ito na magbigay ng diskwento sa mga OFW.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

319

Related posts

Leave a Comment