NAGPASOK si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng “not guilty plea” sa pamamagitan ng videoconference sa kanyang arraignment at pre-trial sa Sandiganbayan nitong Miyerkoles, Setyembre 16, 2026.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Sandiganbayan Third Division, kinatigan ng hukuman ang urgent motion ni Romualdez na payagang dumalo sa proceedings sa pamamagitan ng video conference dahil sa kanyang kalagayan sa kalusugan.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.4 bilyong kickback mula sa mga pondo para sa mga proyektong imprastraktura.
binigyang-diin naman ng Malakanyang na walang espesyal na pagtrato ang ibibigay ng pamahalaan kay Romualdez, sa kabila ng pagiging pinsang buo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pamangkin ni dating First Lady Imelda Marcos.
Kapwa akusado ni Romualdez sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp. na si Felicito Guevarra, at personal assistant ni Romualdez na si Joselyn Sereño, na pawang hindi pa naaaresto.
Ipinasok si Romualdez sa Quezon City Jail sa Payatas noong Lunes matapos siyang dalhin doon mula sa ospital. Inilagay siya sa infirmary ng bilangguan kasama ang iba pang mga persons deprived of liberty na nangangailangan ng medical monitoring.
Magugunitang inaresto ang dating House Speaker habang nasa Cardinal Santos Medical Center bago siya inilipat sa Philippine General Hospital (PGH).
Samantala, sinabi ng mga doktor ni Romualdez na stable ang kanyang kondisyon sa kabila ng kanyang mga iniindang karamdaman.
(JULIET PACOT)
64 