ANG NAGBABAGONG TREND SA EDUKASYON

Psychtalk

(Ikalawang bahagi)

Sa unang bahagi ng artikulong ito, may mga obserbasyon at katanungang binitiwan na marapat lamang sigurong masagot para sa mas malalim na kaunawaan ng lahat.

Ang isa rito ay ang obserbasyon na tila mas marami sa mga tumitigil sa pag-aaral ay mga lalaki. Sa-makatuwid, sa college dropouts sa Pilipinas na umaabot na sa halos 10% kada taon sa mahigit isang dekadang nakalipas, mas marami sa mga ito ay kalalakihan.

Ang trend na ito ay nakita rin sa ibang bansa gaya ng US na kung saan halos umaabot sa 30% ang tumitigil sa freshman year pa lamang.

Ang resulta, masasabi na sa kasalukuyan, ang mga kalalakihan ang tinatagurian na ring “new mi-nority” sa mga kolehiyo at unibersidad.

Bakit nga ba?

Kung sa Pilipinas, tila wala pang ‘hard evidence’ upang ipaliwanag ang sitwasyong ito. Sa katoto-hanan nga ay nakaupo ko dalawang linggo na ang nakararaan sa isang thesis proposal defense panel ang isang estudyante na naglalayong pag-aralan ang usa¬ping ito.

Ganunpaman, naroon pa rin ang mga haka-haka at mga salik na tila marapat pagtuunan ng pansin para maintindihan ang kapansin-pansin na trend na ito.

Sa Pilipinas, siyempre nariyan pa rin ang usapin ng kahirapan. Napipilitan ang maraming binati-lyong huminto kung kapos ang pera. Mas maigi ring sila ang huminto kasi mas ma¬rami ring tra-bahong pwede nilang pasukan lalo na ang mga gawaing-bukid, sa pangisdaan, o mga odd jobs sa mga lansangan, at iba pang impormal na sektor sa ekonomiya.

Isa pa, kung ang mga babae ay lalong na-challenge sa mga restrictions at limitasyon na inilatag sa kanila ng kasaysayan at kultura na nagtulak sa kanila upang maging masigasig at umigpaw gamit ang edukasyon, tila mas pinahina naman ang mga kalalakihan ng pagbibigay pribilehiyo sa kanila sa maraming panahon.

Mas maraming kabataang lalaki ang nagumon sa risky behaviors at bisyo na nakaapekto sa kanil-ang mga pag-aaral. Kasi nga naman, hinayaan lang silang gawin ang mga kilos na ito kasi lalaki naman sila. At palibhasa lalaki, mas libre silang gumawa ng anumang nais nila, kahit pa ‘yung mga bagay na sa bandang huli ay ikinapapahamak nila.

Ayon pa sa ilang pag-aaral, tila epekto ng ‘male privileging’ na ito ang hindi pagkatuto ng ilang kabataang lalaki na makisabay at makaangkop sa mga mapang-hamong sitwasyon. Kaya’t pag humirap na ang kalagayan, kulang ang kanilang personal at social skills para umangkop.

Kaya rin siguro nakita rin sa ilang datos na mas mataas sa mga kabataang lalaki ang incidence ng ilang sikolohikal na kondisyon na kadalasan ay nakakaapekto sa kanilang survival sa paaralan.

Sa sunod na bahagi ng artikulong ito ay ipagpapatuloy natin ang paghimay sa usaping ito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

119

Related posts

Leave a Comment