HINDI LANG SI BBM NINENERBYOS SA MAHAL NG BILIHIN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TUMAAS ang presyo ng bigas, gulay at iba pang bilihin sa mga merkado sa bansa, batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) ngayong panahon ng bagyo.

Mula P1.50 hanggang P2 kada kilo ang itinaas sa presyo ng bigas. Baka nanginginig na sa nerbiyos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gaya ng sinabi niya kamakailan dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng bigas kahit mag-angkat ang gobyerno dahilan sa pinsala sa agrikultura ng Bagyong Egay.

Pero tiyak ko hindi lang si BBM ang ninenerbyos ngayon kundi lahat tayong ordinaryong mamamayan.

Ano na ‘yung silbi ng ipinagmalaki niya sa SONA na nakita ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin at napatunayang kayang mapababa ang presyo ng bigas, gulay, at ibang bilihin?

Ngayon, ibubunton ang sisi sa kalamidad at bibigyang katwiran na naman ang importasyon ng bigas.

Pero kumambyo ang Pangulo, sapat daw ang supply ng bigas sa bansa kahit labis ang iniwang pinsala ng bagyo sa agrikultura sa Hilagang Luzon.

Bukod sa importasyon, ang pag-iimbak o buffer stock ang isa sa mga hakbang?

Bukod sa iniwang pinsala ng bagyo ay pinaghahandaan din ang magiging epekto ng El Niño sa agrikultura. Dahil dito, kailangan na umano ang pag-aangkat ng bigas dahil nagsasara na ang ibang bansa sa Southeast Asia bilang paghahanda sa El Niño.

Ngunit mataas na rin ang presyo ng bigas sa ibang bansa kaya paano masisiguro na hindi tataas ang presyo nito sa lokal na merkado kapag nag-angkat.

Ayon sa DA, pinalalakas na ng ahensiya ang lokal na produksyon para hindi na nakasandig sa pag-angkat.

Sana nga, pero sakaling kakailanganin ang importasyon, dapat sapat lang ang angkatin ng bansa nang hindi gaanong apektado ang mga magsasaka at mga lokal na negosyo ng bigasan.

Speaking of bigas, may alegasyon ang Federation of Free Farmers na NFA rice ang binebenta sa mga Kadiwa store at ginagamit din daw ng mga LGU na pang-ayuda kaya nauubos ang buffer stock.

Hindi ito itinanggi o inamin ng DA, ang sabi lang ni Usec. Mercedita Sombilla e hindi nila alam o wala silang ideya na bigas ng NFA ang binebenta sa Kadiwa.

Buti pa pala iyong mga tagalabas alam ang nangyayari sa loob.

Heto pa, may ilang opisyal ng DA ang pinatawan ng preventive suspension dahil nakitaan ng pagkiling sa isang kooperatiba para magsuplay ng sibuyas sa Kadiwa.

Sa kautusan ng Ombudsman, sinuspinde sina Senior Usec. Domingo Panganiban, Asst. Secretary for Consumer Affairs Cristina Evangelista, Administrative Officer V Eunice Biblanias, Office Chief Accountant Lolita Jamella, FTI President Robert Tan, Vice President for Operations John Gabriel Benedict III, at Budget Division Head Juanita Lualhati.

Overpriced umano ang sibuyas na binili sa kooperatiba pero murang ibinenta dahil sa Kadiwa ng Pasko na proyekto ng Marcos administration ito dinala.

Mahilig sa favoritism ang gobyernong ito. Hindi nga ba’t ibinunyag din ni Senador Risa Hontiveros na may tatlong kumpanya na pinaboran sa sugar importation nito lang Pebrero.

Kinuwestiyon ng senadora ang pag-aangkat ng 440,000 metric tons ng asukal na nakopo raw ng pinaborang tatlong sugar importers at dumating bago pa maglabas ng sugar order.

Pebrero 15 ngayong taon inilabas ang Sugar Order (SO) No. 6 para mag-angkat ng 440,000 MT ng asukal pero ‘yung kontrabando e dumating sa bansa Pebrero 9. Nauna pang dumating ang produkto kaysa request. Kaya siguro sila favorite magaling silang manghula. Alam nila kailan at ano ang pangangailangan sa bansa.

Dawit din si Panganiban diyan at si Executive Secretary Lucas Bersamin na siyang naglabas ng memo para umangkat ng asukal.

Iyon nga lang, hindi itinuloy ng Senado ang imbestigasyon hinggil diyan. Kaya naman ganun na lang ang panghihinayang ni Hontiveros kasi kung binigyan daw sila ng pagkakataon na mag-imbestiga at magbigay ng rekomendasyon ay posibleng nakasuhan na si Panganiban.

488

Related posts

Leave a Comment