KUARTA O KAHON ANG LABAN NG MGA OFW

TAONG 1962 nuong unang ipinalabas ang Kuarta o Kahon na kalaunan ay naging Family Kuarta o Kahon. Isa itong noon time game show ni Pepe Pimentel na napapanood sa ABS-CBN at RPN 9 hanggang taon 2000.

Isa na ito sa pinaka matagal na noontime game show sa telebisyon na umabot sa 38 taon. Sa larong Kuarta o Kahon ay pipili ang isang contestant ng kahon na maaring maglaman ng malaking halagang kuarta o perang papremyo kung ikaw ay bwenas. Pero maari din na isang saging at iba pang gamit na walang halaga kung hindi ka mapalad na makapili ang tamang kahon.

Hindi nalalayo sa ganitong laban ang mga OFW sa ibayong dagat. Ang mga OFW kapag naga-apply ng trabaho sa ibang bansa ay hindi agad nila nalalaman kung sino ang kanilang employer.

Mistula silang pumipili ng isang mahiwagang kahon na hindi alam kung ang nilalaman nito ay isang mabuting employer o employer na mananakit o manga-abuso sa kanila.

Game of chance na maituturing ang pangingibang bansa. May mga OFW na mistulang nakakakuha ng tamang kahon. Maraming mga OFW ang nagkaroon ng maraming ari-arian katulad ng bahay, condominium, lupain na sakahan at iba pa.

Meron din naman na masasabing panalo na sana sa laban dahil marami na itong naiipon na pera, pero dahil sa patuloy na pakiki pagsapalaran at ayaw umuwi sa Pilipinas, ay mistulang kandila na nauubos ang mga perang naipon at sa bandang huli ay luhaan at tuluyan ng hindi makauwi sa pamilya.

Pero ang pinakamasaklap, ay ang mga OFW na ang napili ay kahon ng masamang kapalaran. Dahil sa mismong kahon na ito sila nakalagay sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Kahapon ay 88 bangkay ng mga OFW ang literal na nakapaloob sa mga kahon ang naiuwi na sa Pilipinas.

Aaminin ko na bagaman ito ay ikalawang batch na sa mahigit 300 bangkay na iuuwi sa ating bansa mula sa Saudi Arabia, pero labis pa rin akong nalulungkot at napapaluha. Katulad ko rin sila na sumubok mangibang bansa para lamang sa tatlong kadahilanan. Una, ang mapag-aral ang mga anak, ikalawa ay magkaroon ng hanap-buhay o negosyo at ang ikatlo ay ang magkaroon ng sariling tahanan.

Ngunit masakit na isipin na sa paghahangad ng mga OFW na makamit ang mga pangarap na ito, ay tila ito ay sumasali sa isang “game of chance” na Kuarta o Kahon. Swerte kung makakatapos ng kontrata at makakauwi sa pamilya na dala ang naipong pera. Bonus na maituturing  kung nakapagpatapos ng mga anak at magkaroon ng sariling tahanan.

Ngunit ang pinakamasaklap ay kung ang mapipili mo ang mismong kahon na iyong paglalagyan sa iyong pag-uwi sa iyong pamilya. Ang mga OFW na naiuwi kahapon na mga nakakahon ay mga bayaning nakipagsapalaran sa laban ng buhay. Mga bayaning isinakripisyo ang sarili para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya. Sila ang mga bagong bayaning tumaya sa laban ng kapalaran ngunit hindi naman maituturing na talunan, dahil ang kanilang laban ay maaring magbunga na maraming pagbabago sa patakaran ng ating gobyerno sa pangangalaga ng ating mga OFW.

 

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
134

Related posts

Leave a Comment