MGA BATANG NAMAMALIMOS AKSYONAN MO, DSWD SEC. REX GATCHALIAN

BALYADOR ni RONALD BULA

KIKILOS na raw ang local offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para imbestigahan ang pagdagsa ng mga namamalimos sa Metro Manila.

Mismong si DSWD Secretary Rex Gatchalian umano ang nagpahayag na kasalukuyan nang nagkakasa ng imbestigasyon ang kanilang ahensya upang matukoy ang posibleng sindikato na nasa likod nito.

Naniniwala ang kalihim na hindi basta-basta makararating ng Metro Manila ang mga namamalimos na karamihan ay Indigenous People (IP) kung walang manghihikayat sa mga ito.

Nabatid na kakasuhan ng human trafficking ng DSWD ang mga indibidwal o grupo na humahakot ng mga namamalimos.

Kaugnay nito, hinihimok ng DSWD ang publiko na huwag mag-abot ng limos lalo na’t may umiiral na batas hinggil dito at para madismaya na rin ang mga namamalimos dahil wala silang pagkakakitaan.

Marapat lamang na gawing araw-araw ang paglilinis sa mga kalye ng DSWD partikular sa Kamaynilaan kaugnay sa naglipanang mga batang namamalimos na sumasampa sa mga dyipni. Hindi lamang mga bata, mayroon ding matatanda na namamalimos na may kargang bata.

Pagsampa ng mga bata sa dyipni, mag-aabot sa mga pasahero ng libaging sobre. Ang ibang mga bata naman, kakatukin ang bintana ng mga kotse at manghihingi ng limos. Ang iba, pupunasan ang salamin ng kotse at saka ilalahad ang mga kamay. Kung anu-ano pa ang ginagawa ng mga batang pulubi para makahingi ng limos sa mga motorista.

Karaniwang mga batang Badjao ang namamalimos sa kalye at naglalambitin sa dyipni. Lubhang delikado sapagkat maaari silang mahulog at masagasaan ng mga sasakyan. Kasalanan pa ng driver ng dyipni kapag nangyari ito. Ang driver pa ang makukulong at magdurusa.

Hindi lamang ang mga batang pulubi ang namumulaklak sa kalsada kundi pati na rin ang tinatawag na mga “batang hamog” na nambibiktima ng mga truck driver. Sa Road 10, Tondo, maraming batang hamog ang umaakyat sa mga truck at ninanakaw ang mga gamit at iba pang pakikinabangan. Kinukulimbat ang battery, tool box, at iba pang mga gamit. Walang kamalay-malay ang truck driver na nalimas na ang kanyang tools.

Inaasahang darami pa ang mga batang namamalimos ngayong papalapit ang Pasko. Nararapat lang ang puspusang paghuli ng DSWD sa mga batang pulubi at gayundin sa mga “batang hamog”. Gawing regular ang paghuli sa mga ito at ilagay sa pasilidad kung saan ay magiging maayos ang kanilang kalagayan. Puspusan ang gawing pag-monitor sa mga kalye na tambayan ng mga batang pulubi. Hulihin din ang mga babaeng may kargang sanggol na ginagamit sa pamamalimos.

Subaybayan natin!

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

304

Related posts

Leave a Comment