NATIONAL SERVICE LAW

SIDEBAR

Sang-ayon tayo sa plano ni Senator-elect Ronald “Bato” dela Rosa na mag­hain ng panukalang batas na mag-iinstitusyonalisa sa mandatory military service sa mga kabataang Filipino at hindi lang ang pagkuha ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang required subject sa senior high school.

Paliwanag ni Senador Bato: “Like other countries na pagdating mo ng 18 years old, obligado ka na mag-serve sa military for 2 years. Walang pakialam ang gobyerno kung anak ka ng mayaman o ng mahirap, kung sikat ka o artista ka. Maganda rin iyon.”

Pinaghuhugutan ni Senator Bato ang mga bansang gaya ng South Korea at Singapore kung saan may umiiral na National Service Law na nagre-require sa lahat ng kabataang may edad 17 pataas ay sumasailalim sa NS sa loob ng dalawang taon.

Ang hindi sinabi ng da­ting hepe ng Philippine National Police ay sa bansang Singapore halimbawa, sagot ng pamahalaan ang lahat ng gastos para sa mga national servicemen mula sa uniporme, bota at kagamitang pandigma.

May monthly allowance din ang mga NS men sa Singapore na may katumbas na halaga ng mula P25,000 hanggang P30,000 sa loob ng dalawang taon. Hindi ko lang alam kung ganito rin ang sistema sa South Korea na hanggang ngayon ay nakahanda pa rin sa posibleng pag­lusob ng North Korea gaya ng nangyari noong 1950s.

Kung maglalaan ng pondo ang pamahalaan sa National Service at walang gagastusin ni isang kusing ang mga kabataang Filipino na sasailalim dito, walang magiging problema lalo pa’t may monthly allowance ring matatanggap ang mga NS men gaya ng sa Singapore.

Minsan na ring binalak ng rehimeng Marcos ang pagsasabatas ng National Service pero hindi ito naisabatas dahil na rin sa matinding galit ng mga kabataang-estudyante sa diktadurang Marcos at maging ng mga oposisyon sa rubber stamp na Batasang Pambansa.

May ROTC na kasi noon sa kolehiyo sa loob ng apat na semester at Citizens Army Training (CAT) naman sa high school mula 2nd year kung kaya magiging kalabisan na kung magkakaroon pa ng National Service.

Kamakailan ay pumasa na sa mababang kapulungan ang ROTC Bill (House Bill 8961) na magiging mandatory sa mga kabataang edad 17 at 18 na nasa senior high school.

Kasing-edad rin ng mga Grade 11 at 12 ang mga dating estudyante sa first at second year college kung saan mandatory ang ROTC sa apat na semester sa ilalim ng subjects na Military Science (MS) 11 and 12 para sa freshmen at MS 21 at 22 sa sophomore.

Basic military training ang sakop ng MS 11-22 kaya mga non-commissioned officer rank (may ranggong sarhento) ang ibinibigay sa mga nagtatapos nito. Para sa mga gustong maging commissioned officer (may ranggong tinyente), may Advanced ROTC na puwede nilang kunin pagkatapos ng Basic ROTC.

At dahil naging instrumento ang ROTC ng diktadurang Marcos, binuwag ang ROTC bilang mandatory subject sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Cory at kahalili nito ang civic action gaya ng pagtatanim ng puno at paglilinis ng mga kagubatan at karagatan.

Pero dahil na rin sa pangangailangan na magkaroon ng isang “citizen army” na handang lumaban sakaling may mga lulusob na mananakop sa bansa (gaya ng China halimbawa), muling binuhay ang mandatory ROTC na mukhang makakapasa rin sa Senado.

Pwera na lamang kung National Service Law ang magiging prayoridad ng Senado gaya ng nais mang­yari ni Senador Bato dela Rosa. Abangan…( Sidebar / RAYMOND BURGOS)

153

Related posts

Leave a Comment