PORMAL nang nagsampa ng kaso sa National Police Commission o Napolcom ang limang miyembro ng PNP-Highway Patrol Group laban sa kanilang opisyal na si Police Col. Rommel Casanova Estolano, hepe ng Special Operation Division ng PNP-HPG, dahil sa P7 milyong bribery.
Sinampahan ng kasong grave misconduct, dishonesty at conduct unbecoming of a police officer at hiniling na kaagad na masibak sa serbisyo ang opisyal ng PNP-HPG na si Estolano.
Batay sa salaysay ng limang pulis na sina Lt. Adolfo Mendoza, PSMS Alain Orale, PSMS Krizza Barola, PMSG Ronnie Vergoles at Patrolman Arnel Fontillas Jr., ibulsa ni Estolano ang P7 milyong suhol mula sa isang JJ Javier.
Napag-alaman, nasita ang nasabing indibidwal sa paggamit ng wang-wang sa Parañaque City noong Hunyo 13 at nakuha sa loob ng sasakyan nito ang isang baril, bala, bullet proof vest at pampasabog.
Ikinulong sa PNP-HPG ang suspek subalit nakuha umanong masuhulan si Estolano ng P7 milyon dahilan upang wasakin at pahinain ang nakuhang mga ebidensya rito.
Base sa affidavit, inayos umano ng abogado ni Javier ang tatlong major bribe transactions kay Estolano, una rito ang P2 milyong Parañaque bribe upang masiguro ang dismissal ng kaso.
Habang P1 milyon ang bayad para sa umano’y special treatment habang ito ay naka-detain, kasama ang temporary release, at P4 milyon sa Quezon City bribe para humina ang kasong paglabag sa firearms and explosive laws gayundin sa nakuhang C4 explosive.
(TOTO NABAJA)
237 