OPOSISYON SA SOCOTECO II–IGNITE POWER JV, LUMALAKAS Mga isyu dapat sagutin; plebisito huwag madaliin

LALONG lumalawak ang panawagan para sa mas malinaw at transparent na proseso sa proposed joint venture agreement (JVA) ng SOCOTECO II at Ignite Power, habang sunod-sunod na grupo ang humihiling na sagutin muna ang mga kuwestiyon ukol sa kasunduan.

Mula sa Simbahan at academe hanggang sa youth, civic at consumer groups, umaalingawngaw ang panawagan para sa mas malawak na konsultasyon at kumpletong impormasyon bago magpasya ang mga member-consumer-owners (MCOs) kung susuportahan ang naturang JVA.

Tinatayang 5,000 hanggang 7,000 katao mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang lumahok kamakailan sa isang prayer rally sa Plaza Heneral Santos na nanawagan ng “truth and accountability” sa SOCOTECO II–Ignite JVA.

Kabilang sa mga dumalo ang Catholic parishes, basic ecclesial communities, youth organizations, schools at civic groups, gayundin ang Gamay Katilingban na Kristohanon (GKK), Akbayan Youth activists at Notre Dame of Dadiangas University.

Matagal nang kumukuwestiyon sa proseso ang Diocese of Marbel. Noong Hunyo, nagpahayag si Bishop Cerilo Casicas ng pangamba sa umano’y kakulangan ng transparency at konsultasyon sa pag-apruba ng SOCOTECO II Board of Directors sa JVA. Nanawagan siya ng public consultations, dialogue at mas aktibong partisipasyon ng mga MCOs.

Noong Agosto, nanawagan naman ang Social Action Center ng Diocese of Marbel ng independent investigation o forensic audit sa managerial, technical at financial operations ng SOCOTECO II, gayundin ng deferment ng plebisito hanggang makumpleto ang legal at administrative requirements.

Mas tumindi ang posisyon ng Simbahan nitong Setyembre nang humiling sina Bishop Casicas at Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, president ng Caritas Philippines, sa Ombudsman ng preventive suspension sa mga SOCOTECO II directors na nahaharap sa mga reklamo kaugnay ng JVA.

Bukod sa kanila, aktibo rin sa panawagan para sa accountability at transparency si Bro. Manuel de Leon, FMS, presidente ng Notre Dame of Dadiangas University.

Sa isang Facebook post, nanawagan din si de Leon na ipagpaliban muna ang mga nakaiskedyul na plebisito at linawin ang ownership ng Ignite Power, lalo na’t kailangang mag-divest sa naturang kumpanya ang dating senador na si Manny Pacquiao, na kamakailan ay itinalaga bilang kalihim ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Iginiit ni de Leon na dapat muling suriin ng SOCOTECO II Board of Directors ang commitment nito sa JVA at tiyaking malinaw ang magiging epekto ng anumang pagbabago sa ownership bago ituloy ang proseso.

Hindi rin limitado sa Catholic sector ang mga tanong kaugnay ng kasunduan.

Sa mga nakaraang linggo, nagsalita rin ang Muslim at Bangsamoro women leaders na nanawagan na dapat marinig ang lahat ng sektor sa debate—Catholic man, Muslim o iba pa—at dapat suriin ang JVA batay sa mga termino nito, transparency at epekto sa lahat ng MCOs.

Nagpahayag din ng pangangailangan para sa independent scrutiny ang mga environmental at consumer advocates.

Kongreso Sumakay Na Rin

Dinala na rin sa Kongreso ang usapin.

Naghain si South Cotabato 2nd District Rep. Shirlyn Bañas-Nograles ng House Resolution No. 1401 para sa congressional inquiry sa proposed JVA, kabilang ang compliance nito sa mga batas at regulasyon at proteksyon sa interes ng mga MCOs.

Samantala, nakabinbin din ang mga reklamong inihain laban sa ilang opisyal ng SOCOTECO II at National Electrification Administration (NEA). Ang mga alegasyon ay hindi pa napatutunayan at sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso.

Bagama’t binawi ng korte ang naunang temporary restraining order (TRO) laban sa plebisito at tinanggihan ang petisyon para sa preliminary injunction, hindi nawala ang mga tanong na ibinabato ng mga kumukwestyon sa JVA.

Nakatakdang magpatuloy ang natitirang plebisito sa Setyembre 19–20 at 26–27.

Iginiit ng mga kumukwestyon sa deal na bago hingin ang boto ng mga MCOs, kailangang malinaw muna ang mga termino, ownership, governance implications at posibleng epekto sa mga consumers.

Sa gitna ng lumalakas na pagtutol, nananatili ang panawagan na huwag madaliin ang proseso at linawin muna ang mga isyu bago ituloy ang botohan.

(JOEL O. AMONGO)

71

Related posts

Leave a Comment