HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang kabataan partikular ang mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic na tangkilikin ang mga trabaho sa ilalim ng Republic Act 10917 o ang Expanded Special Program for Employment of Students law upang makabalik sila sa pag-aaral.
Ipinaliwanag ni Angara, may akda ng RA 10917 sa Senado, na ang batas ay napapanahon ngayong pandemic dahil upang matulungan ang mga pamilyang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.
“One significant amendment we introduced in the SPES law was the inclusion of the dependents of displaced workers and would-be displaced workers due to business closures or work stoppages in the program. With what is being experienced by many Filipino families now, this will help keep their children in school,” saad ni Angara.
Una nang inihayag ng Department of Education na inaasahan nilang ang mas mataas na bilang ng out-of-school youth na posibleng umabot sa apat na milyon dahil sa COVID 19 pandemic.
Batay sa 2017 Philippine Statistics Authority data, siyam na porsyento o 3.53 milyon ng 39.2 Pinoy na may edad 6 hanggang 24 anyos ang OSYs.
Sa naturang numero, 83.1 percent ang mga edad 16 hanggang 24; 11.2 percent ang 12 hanggang 15 anyos at 5.7 percent ang 6 hanggang 11 anyos.
Ang SPES ay nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa kwalipikadong indibidwal mula 20 hanggang 78 araw.
Itinaas din ang age limit sa programa na mula sa 15 hanggang 25 anyos ginawang 15 hanggang 30 anyos.
“Ang halagang makukuha ng ating mga kabataan mula sa SPES ay makakatulong sa pagtustos nila sa mga gastusin sa kanilang pag-aaral,” diin ni Angara.
“What is important is that they do not miss any time from school due to financial constraints. For those who were not able to enroll in the current school year, they can save the money they will receive from the SPES and use this for the next semester or school year,” dagdag pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
