P18K UMENTO SA SAHOD NG DOKTOR, BAWAS WORK HOURS SA NURSE ISINULONG

KASABAY ng pagdiriwang ng Health Workers’ Day, isinusulong ni Quezon City 5th District Rep. PM Vargas ang dalawang panukalang batas para itaas ang sahod ng mga doktor sa gobyerno at limitahan ang oras ng trabaho ng mga nurse upang matugunan ang lumalalang “brain drain” sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill 3520, layon ni Vargas na itaas ang entry-level pay ng mga doktor sa gobyerno mula P73,303 patungong P91,306 o dagdag na P18,003 kada buwan.

Aniya, hindi na sapat ang kasalukuyang pasahod para sa bigat ng trabaho at panganib na kinakaharap ng mga doktor lalo na tuwing health crisis.

Para naman sa mga nurse, inihain ni Vargas ang House Bill 3398 o “Care for Nurses’ Welfare Act” na naglalayong limitahan sa walong oras na tuloy-tuloy at 40 oras kada linggo ang trabaho ng mga nurse.

Binigyang-diin ni Vargas na ang pagod o burnout ng mga nurse ay direktang nakaaapekto sa kaligtasan ng mga pasyente.

Ayon pa sa mambabatas, maraming lisensyadong nurse ang pinipiling mangibang-bansa o lumipat ng trabaho dahil sa mababang pasahod at mahirap na kondisyon sa bansa.

(TINA MENDOZA)

60

Related posts

Leave a Comment