IPINANUKALA ng pamahalaan na bigyan ng P51-billion aid package ang mga manggagawa ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng Luzon-wide enhanced
community quarantine (ECQ) na ipinatupad para pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Finance Undersecretary Karl Chua na bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na tulungan ang mga middle-class worker sa formal sector.
“We are proposing to give PHP 51 billion to the employees of small businesses. So that is the first,” ayon kay Chua.
Aniya, ang P51 billion na ibibigay ng gobyerno sa mga manggagawa ng MSMEs ay bukod sa P200 billion Social Amelioration Program (SAP) para naman sa 18 million low- income families.
Ang mga low-income households na ito, ani Chua ay makatatanggap ng financial assistance na P5,000 o P8,000 para sa buwan ng Abril at Mayo.
Ipinaliwanag ni Chua na ang ayuda ay didiretso sa mga negosyo na identified sa pamamagitan ng ahensiya gaya ng Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nauna rito, sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na may 3 hanggang 3.5 milyon MSME workers ang makatatanggap ng cash support.
Para naman kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, panahon na para planuhin ang pamamaraan sa unti-unting pagbuhay sa ekonomiya lalo pa’t ang emergency subsidy ay hindi naman magtatagal.
“We have to bring back the jobs. For confidence to be brought back, I think they have to see that the number of people getting infected (is) starting to taper off and go down,” ayon kay Concepcion.
Matatandaang hiniling ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa pamahalaan na isama ang middle-class family sa cash subsidy program. CHRISTIAN DALE
187 