PATULOY na dumarami ang mga local government unit (LGU) na nagdeklara ng State of Calamity dahil sa epekto ng mga nagdaang sama ng panahon at ng patuloy na Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Umabot na sa 178 LGUs ang nagdeklara ng State of Calamity, habang isang bagong tropical cyclone naman ang nabuo at patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kahapon ng umaga ay muling nagpulong ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang talakayin ang nagpapatuloy na response operations ng pamahalaan sa mga komunidad na apektado ng sama ng panahon.
Pinangunahan ni Civil Defense Administrator at NDRRMC Executive Director Undersecretary Harold Cabreros ang pagpupulong, kung saan tinalakay ang sitwasyon sa mga apektadong lugar, weather monitoring, kondisyon ng mga dam, pagbaha at iba pang usapin kaugnay ng response operations.
Nagsagawa rin ng aerial inspection si Cabreros sa mga apektadong lugar sa Luzon at nakipagpulong sa lokal na pamahalaan ng Pampanga upang talakayin ang sitwasyon sa lalawigan at tukuyin ang mga kinakailangang hakbang at suporta.
Kasama si Department of National Defense Senior Undersecretary Irineo Espino, nakipagpulong si Cabreros sa lokal na pamahalaan ng Pampanga upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon at mga kinakailangang suporta mula sa national government.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa mahigit P6.27 bilyon ang naitalang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P2.32 bilyon naman ang pinsala sa agrikultura.
Patuloy naman ang pamahalaan sa pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura at pamamahagi ng food at non-food items sa mga apektadong pamilya.
Pilandok naging tropical storm
Samantala, iniulat ng PAGASA sa NDRRMC na lumakas bilang tropical storm ang Tropical Depression Pilandok, na may international name na Krovanh, nitong Martes ng umaga.
Batay sa 10 a.m. update ng PAGASA, naging tropical storm si Pilandok bandang alas-8 ng umaga habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
May maximum sustained winds itong 65 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kph.
Tatlo pang weather disturbance ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng PAR.
Kabilang dito ang Tropical Storm Saudel, na nasa humigit-kumulang 900 kilometro kanluran ng extreme Northern Luzon, na may lakas ng hanging 65 kph at pagbugsong hanggang 90 kph.
Ayon sa PAGASA, humina naman bilang low-pressure area (LPA) ang isa pang tropical depression at mababa ang posibilidad na muli itong maging tropical cyclone sa susunod na 24 oras.
Isa pang LPA sa labas ng bansa ang may medium chance na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
2 hanggang 3 bagyo pa ngayong Setyembre
Dagdag pa ng PAGASA, posibleng dalawa hanggang tatlong tropical cyclone ang mabuo o pumasok sa PAR ngayong Setyembre.
Ang susunod na mga pangalan sa listahan ng PAGASA ay Queenie, Rosal at Samuel.
Ayon sa PAGASA, may tatlong karaniwang landas ang mga bagyo sa Setyembre.
Sa unang landas, maaaring mabuo ang bagyo sa silangan ng PAR at kumilos pahilagang-kanluran bago lumiko patungong Japan o South Korea. Bagama’t maaaring hindi ito mag-landfall sa Pilipinas, maaari nitong palakasin ang habagat at magdala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Sa ikalawang landas, maaaring dumaan ang bagyo sa Northern Luzon bago tumuloy patungong Southern China o Vietnam.
Sa ikatlong landas naman, maaaring tumawid ang bagyo sa Central o Southern Luzon bago tumuloy sa Southern China o Vietnam.
Sa karaniwan, humigit-kumulang 20 tropical cyclone ang pumapasok sa PAR bawat taon, kung saan walo hanggang siyam ang tumatawid sa Pilipinas.
Pinakamarami namang nabubuong bagyo mula Hulyo hanggang Oktubre, na bumubuo sa halos 70 porsyento ng lahat ng tropical cyclone.
Sa ngayon, nakapagtala na ang bansa ng 16 tropical cyclone ngayong 2026.
Bilang ng nasawi, umakyat sa 34
Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng mga bagyo at Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Mula sa 33 na naiulat, umakyat na sa 34 ang bilang ng mga nasawi, ayon sa NDRRMC.
Mahigit 9 milyong indibidwal, katumbas ng 2.6 milyong pamilya, ang naiulat na naapektuhan sa Regions I, II, III, V, VI, IX, Calabarzon, Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR) at Mimaropa.
Nasa mahigit 135,000 indibidwal naman ang nananatili sa higit 1,000 evacuation center sa buong bansa.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang 33 na nasawi na naunang iniulat ay mga halos verified at confirmed cases pa lamang.
Patuloy naman ang monitoring at koordinasyon ng mga OCD Regional Office sa mga LGU na apektado ng mga nagdaang sama ng panahon upang matiyak ang agarang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
(JESSE RUIZ)
64 