ISINUSULONG ni Malolos City Mayor Christian Natividad ang pagbuo ng isang nationalized flood solution agency o Department of Water upang magkaroon ng iisang ahensyang tututok sa mga suliranin sa tubig, kabilang ang pagbaha.
Ayon kay Natividad, magiging mas epektibo ang pagkakaroon ng isang ahensya ng pamahalaan na pangunahing hahawak sa mga usapin sa tubig, kabilang ang flood management sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag ng alkalde na isa sa mga problema sa kasalukuyang flood management ay ang kani-kaniyang pagkilos ng mga local government unit (LGU) na nakabatay sa kanilang sariling territorial jurisdiction.
“Hanggat ang approach natin sa pagbibigay ng solusyon sa baha ay local, hindi matatapos ang problema. Dapat ay alisin ang decentralization ng pagsasaayos sa baha, i-nationalize na natin ito,” wika ni Natividad.
Giit niya, dapat magkaroon ng iisang ahensyang mangunguna sa mga usapin tulad ng patubig, suplay ng inuming tubig, irigasyon, electrification at drainage management system, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.
Ayon sa alkalde, maaaring magkaroon ng sitwasyon kung saan ang flood control project ng isang munisipalidad o lalawigan ay magdudulot naman ng negatibong epekto sa katabing lugar.
Kapag gumawa rin ng sariling proyekto ang mga apektadong LGU upang maprotektahan ang kanilang mga komunidad, maaaring maipasa naman ang tubig sa iba pang lugar at paulit-ulit lamang ang problema.
Dahil magkakaiba ang approach ng mga LGU sa flood management, sinabi ng alkalde na napapanahon nang magkaroon ng isang hiwalay na ahensya na tututok at aaksyon sa mga usapin sa tubig, partikular sa pagbaha.
Isa pa sa nakikita niyang epektibong hakbang ay ang pagdaragdag ng mga water catchment facility o imbakan ng tubig upang mabawasan ang epekto ng pagbaha.
Nabatid na malaking bahagi ng tubig na nagmumula sa upstream areas ng Bulacan, Pampanga, Bataan at maging Metro Manila ang nakadaragdag sa pagbaha sa mga naturang lugar.
89 