3.2M FOOD PACKS KASADO NA SA PAGBABALIK NI ‘PILANDOK’ – DSWD

TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa ito na tumugon sa mga apektadong lokal na pamahalaan (LGUs) at mga pamilyang nawalan ng tirahan na maaaring mangailangan ng tulong habang inaasahang muling makapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Bagyong Pilandok.

“Handa ang DSWD na mag-augment ng tulong sa mga lokal na pamahalaan na maaaring maapektuhan ng pagbabalik ni Bagyong Pilandok sa PAR. Mayroon pong higit 3.2 milyon na family food packs (FFPs) ang kasalukuyang naka-preposition sa iba’t ibang strategic locations sa ating bansa,” sabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao ng DSWD’s Disaster Response Management Group (DRMG) nitong Lunes, Setyembre 7.

Kasama sa pambansang stockpile ang 142,063 kahon ng FFPs sa Luzon Disaster Resource Center (LDRC) sa Lungsod ng Pasay; humigit-kumulang 414,475 kahon ng FFPs sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Lungsod ng Mandaue, Cebu; at 111,885 kahon ng FFPs na kasalukuyan nasa Mindanao Disaster Resource Center (MDRC) sa Butuan City na pinamamahalaan ng DSWD Field Office (FO) Caraga.

Dagdag ni Asst. Secretary Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD, ang department ay may higit P1.02 bilyong Quick Response Funds (QRF) na maaaring gamitin upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad, at sa paghahanda para sa mga susunod na sakuna.

“Patuloy din ang monitoring at pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan na may mga internally displaced persons (IDPs). Tinitiyak natin na may sapat silang nakukuhang tulong at maayos ang kanilang kalagayan sa mga evacuation center,” sabi ng tagapagsalita ng DSWD.

Kaugnay nito, batay sa ulat ng Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) noong Setyembre 7, 6:00 a.m., nasa 16,121 na pamilya o 56,125 indibidwal pa rin ang pansamantalang naninirahan sa 713 evacuation centers sa Regions 1 (Ilocos Region), 3 (Central Luzon), Cordillera Administrative Region (CAR), at 4-A CALABARZON.

Iniulat din ni Dumlao na ang halaga ng tulong na ibinigay ng DSWD sa mga pamilyang apektado ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones (TCs) Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok, at ng pinalakas na Habagat ay umabot na sa higit P2.1 bilyon.

“Higit P2.1 bilyon na ang tulong na naipaabot ng DSWD sa ating mga kababayan na naapektuhan ng sunud-sunod na pag-ulan at baha. Kabilang sa mga naipamahagi natin ay higit 3 milyong FFPs, mahigit 21,000 na non-food items (NFIs), at higit 52,000 na ready-to-eat foods (RTEFs). Ang tulong na naipamahagi ay alinsunod sa utos ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguraduhin na sapat ang naibabahaging tulong ng pamahalaan sa lahat ng mga nasalanta ng bagyo,” ayon pa sa tagapagsalita ng DSWD.

(PAOLO SANTOS)

92

Related posts

Leave a Comment