Nagbigay ng keynote address si PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco sa Light & Wonder iGaming Symposium sa Newport World Resorts, Pasay City.
NANAWAGAN si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro H. Tengco para sa mas mahigpit na regulasyon sa online gaming imbes na total ban dahil lalo lamang dadami ang mga ilegal na operasyon at mababawasan ang kita ng pamahalaan kung ipagbabawal ito nang tuluyan.
Sa ginanap na Light & Wonder iGaming Symposium sa Newport World Resorts sa Pasay City nitong Lunes, sinabi ni G. Tengco na ang mga reporma ng PAGCOR, kabilang ang pagbaba ng license fee rates, ang nagbunsod ng mabilis na paglago sa electronic gaming.
Mula Php58.16 bilyon noong 2023, umakyat sa Php154.51 bilyon ang gross gaming revenues (GGR) ng electronic games sa 2024, halos kalahati ng Php372.33 bilyong kabuuang GGR ng industriya. Sa unang anim na buwan ng 2025, pumalo na ito sa Php114.83 bilyon, mas mataas kaysa kita ng land-based casinos, at nag-angat sa kabuuang revenue ng PAGCOR sa Php59 bilyon.
“The iGaming story in the Philippines is no longer just about growth; it’s about how we grow safely, fairly, and sustainably,” ayon sa PAGCOR chief. “We support stricter regulations to protect our people, but we are against a total ban which will only drive players to illegal operators and result in loss of revenues and jobs.”
Binigyang-diin din ni G. Tengco na nagpatupad na ang PAGCOR ng mga reporma gaya ng paghihiwalay ng regulatory at operational functions ng ahensya, mas mahigpit na patakaran sa advertising, mas matibay na pananggalang para sa responsible gaming, at ang nalalapit na paglulunsad ng 24/7 helpline.
Bukod dito, gumagamit na rin ang PAGCOR ng digital tools tulad ng PAGCOR Guarantee portal at AI-driven monitoring systems para palakasin ang transparency at compliance ng mga operator.
Hinimok din ni G. Tengco ang mga kumpanya na pairalin ang “compliance by design,” sumunod sa anti-money laundering rules, palakasin ang KYC (Know Your Customer) protocols, at suportahan ang mga programa ng PAGCOR para sa responsible gaming.
“With responsible growth, compliance, and transparency, the Philippines can develop a safer, stronger, and globally competitive iGaming industry,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat naman si G. Tengco sa Light & Wonder sa pag-organisa ng symposium at tinawag itong mahalagang katuwang sa pagpapatibay ng gaming industry sa bansa.
