IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo na dapat masilip din sa imbestigasyon ang mga land-based casino makaraang lumutang ang money laundering scheme na isinasagawa umano ng ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways.
Kasunod ito ng pagbubunyag ni Senador Panfilo Lacson na nagawang makapagpalit ng milyon-milyong pisong cash sa chips at chips sa cash ng mga district engineer ng DPWH na isinasangkot sa katiwalian sa flood control projects.
Ipinaliwanag ni Tulfo na dapat mahigpit ang pagpapatupad ng mga casino ng tinatawag na Know-your-Client upang matiyak na hindi sila nagiging daan ng money laundering.
Ipinaliwanag naman ni Lacson na ang mahirap sa sitwasyong ito ay gumamit ng mga alyas ang mga engineers kaya’t walang paraan ang mga casino operators upang matukoy ang tunay nilang pagkakakilanlan.
Inamin pa ng senador na maging sila ay natagalan sa pagtukoy sa tunay na identity ng tinagurian niyang Bulacan Group of Contractors o BGC boys.
Pero binigyang-diin ni Lacson na maaari ring mapanagot ang mga casino operator kapag lumitaw na pinayagan nilang maglaro ang government officials.
(DANG SAMSON-GARCIA)
134 