Ni angel f. jose
WALANG planong ibaon sa limot ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) ang rekomendasyong pagsasampa ng mga karampatang asunto ng Senado sa mga personalidad na bahagi ng talaang inilabas ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) kaugnay ng malawakang agri-smuggling sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasabay ng pahiwatig sa mga mambabatas ng patuloy na pangangalap ng mga ebidensyang higit na kailangan para tumindig ang kaso sa husgado.
Bukod sa mga pangalan ng mga negosyante, bahagi rin ng naturang talaan ang malalaking personalidad na pamahalaan – kabilang ang mga opisyales ng Department of Agriculture at BOC.
“I’ve already directed our Customs Intelligence and Investigation Service to review the investigations that we have against them. If there’s a need and the evidence is strong enough, we will file cases against them,” ani Ruiz sa Senate Blue Ribbon Committee.
Paniwala ni Ruiz, masasayang lang ang isasampang asunto sa Department of Justice (DOJ) kung mababasura lang sa bandang dulo dahil kapos ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi. Aniya, higit na kailangan ngayon ang patunay na seryoso ang gobyerno sa kampanya kontra korapsyon, bagay na maipapamalas lang kung tuluyang mapapakulong ang mga kakasuhan sa husgado.
Pasok sa nasabing talaan ang 22 personalidad – kabilang ang mga kilalang negosyanteng tulad nina David Tan alyas David Bangayan, Manuel Tan, Jude Logarta ng Cebu, Leah Cruz alyas Luz Cruz/ Lilia Matabang Cruz na mas kilala bilang Onion Queen, Andy Chua, George Tan, David Bangayan, Paul Teves, Tommy Go at Wilson Chua.
Sa nasabing NICA report, pinangalanan din sina Bureau of Plant (BPI) Industry Director George Culaste, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Eduardo Gongona at Laarni Roxas ng BPI Plant Quarantine Services Division.
Bagamat isinama sa naturang listahan ang ilang opisyal ng BOC, una nang itinanggi ni dating Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga paratang, kasabay ng giit na pinagbabatayan ng kanilang kawanihan ang inilalabas na importation permits ng kagawaran ng agrikultura.
Ang iba pang pangalan lumabas sa NICA report ay sina Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, BOC Deputy Commissioner for Intelligence Group Raniel Ramiro, BOC Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Customs Revenue Collection Monitoring Group, Director Geofrey Tacio ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Atty. Yasser Abbas ng Customs Import and Assessment, Toby Tiangco, Jun Diamante at Gerry Teves.
