Serafica nabuking na sinungaling MGA SENADOR NATAMEME KAY ES RODRIGUEZ

NATIYOPE o natahimik ang ilang senador na bumoto para i-subpoena si Executive Secretary Vic Rodriguez nang dumating ito sa Senado para linawin ang usapin hinggil sa kontrobersyal na sugar importation.

Bago magtanghali ay dumating si Rodriguez sa Senado ilang oras matapos ilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang subpoena para obligahin ang executive secretary na sagutin ang mga katanungan ng mga senador sa usapin ng pag-i-import ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Una nito, nagsagawa ng executive hearing ang Blue Ribbon Committee base sa hiling ni Senador Risa Hontiveros na obligahin si Rodriguez na dumalo sa pagdinig sa usapin ng pag-i-import ng asukal kung saan matapos ang ilang minuto ay bumoto ang mga miyembro nito. Labing isa ang pabor sa pag-iisyu ng subpoena habang tatlo naman ang tumutol.

Dahil dito, iniutos ni Senador Francis Tolentino, chairman ng komite, na maglabas ng subpoena para kay Rodriguez.

Sa kanyang pahayag, nanindigan si Rodriguez na walang iniutos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mag-import ng 300,000 MT ng asukal na sobra-sobra.

Tugon ito ni Rodriguez sa paulit-ulit na mosyon ni Senador Hontiveros na palutangin ng nasabing komite ang una para tuluyan nang malinawan ang usapin sa pag-i-import ng asukal.

Giit ni Rodriguez, walang katotohanan ang pahayag ng SRA official na may senyales na pumapayag si Pangulong Marcos na mag-import ng 300,000 MT ang nasabing ahensya.

“There are no signal to pass SO4 calling for importation of 300,000 MT sugar,” sabi ni Rodriguez.

Nanindigan si Rodriguez na hindi nanggaling sa Malacanang ang 300,000 MT kung hindi nakapaloob ito sa import plan na isinumite ng SRA na hinihingi ng Malacanang at hindi ibig sabihin na pumapayag na mag-import ng asukal.

Nabunyag din sa ikatlong pagdinig ng komite ang sinabi ni dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica na hindi lang 300,000 MT ang laman ng import plan nito kung hindi 600,000 MT kung saan itinuturo nito si Pangulong Marcos na pumayag sa importation.

Ngunit pinasinungalingan din ito ni Rodriguez sa pagsasabing kung ang 300,000MT ay tinutulan ni Pangulong Marcos, mas lalong walang katotohanan na papayag ito sa 600,000 MT.

Tinawag din ni Tolentino na sinungaling si Serafica sa pagsasabing si Pangulong Marcos ang nag-utos na mag-import ng 600,000 MT.

Dahil dito, nagbanta si Tolentino at iba pang miyembro ng komite na sasampahan ng contempt si Serafica dahil sa pagsisinungaling nito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

“Walang katotohanan na siya ang nagsabing 600,000MT. ‘Yun ngang 300,000MT di nga siya pumayag,” sabi ni Rodriguez.

Tinawag ding sinungaling ni Manuel Lamata, pangulo ng United Sugar Producers Federation (UNIFED) si Serafica dahil sa pagsisinungaling nito na may kakapusan ng supply ng asukal na bansa kung kaya’t nais na mag-import ng SRA ng asukal.

“Siya ang sinungaling, si Serafica, there is no truth shortage,” sabi ni Lamata.

164

Related posts

Leave a Comment