MATABANG ang Malakanyang sa ideya na magtambal sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice-President Leni Robredo para sa isang vaccine infomercial.
Nanawagan kasi si Senator Joel Villanueva sa pagtatambal nina Pangulong Duterte at VP Leni para sa isang infomercial na manghihikayat sa publiko upang magpabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Villanueva, tila magiging mabisa kung maglalabas ng joint public service announcement ang pangulo at ang bise pangulo upang makumbinse ang malaking populasyon ng mga Filipino na ligtas at epektibo ang bakuna.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, na mangyayari lamang ang infomercial kapag isinantabi na ni VP Leni ang pulitika at aminin na ang Sinovac’s COVID-19 vaccine ay epektibo gaya ng iba.
“Kasi ang alam ko po sa unang panahon ay kinuwestyon pa nga ni VP Leni ang paggamit ng Chinese vaccines. So parang I cannot see na ieenderso niya na pare-pareho ang vaccines,” ayon kay Sec. Roque.
“Sana po kung masasabi niya at ‘yan ay matuloy pero alam niyo po ginawa talagang pulitika pati itong bakuna. Kaya nga po sinabi nila itong Chinese (vaccine) ginagamit natin kapalit ng [West Philippine Sea],” dagdag na pahayag ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
159 