NILINAW ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na kung ano ang available na brand name ng bakuna, iyon ang binili ng pamahalaan upang magamit ng mas nakararaming mamamayan at makamit ang herd immunity.
Sa pahayag, sinabi ni Go na pahirapan kasi ang supply ng bakuna dahil sa pag-aagawan ng lahat ng bansa kaya kung ano ang available, ito ang nabibili ng gobyerno.
Ayon kay Go, ang ilan naman ay donasyon habang ang iba ay nabibili sa pamamagitan ng COVAX facility na pinamumunuan ng World Health Organization.
Sinabi ni Go na dati ay nangako ang India na magsusuplay ng bakuna sa bansa pero dahil sa nangyaring surge sa kanilang bansa, hindi ito nasunod dahil mas inuna nila ang kanilang mamamayan.
Nanawagan naman si Go na magtiwala ang publiko sa ginagawang hakbang ng gobyerno dahil nagsisikap itong mahanapan ng solusyon ang problemang dulot ng COVID-19 pandemic.
Samantala, hiniling ni Go sa pamahalaan na dapat sundin kung sino ang nasa priority list ng vaccination rollout bilang tugon sa panawagan ng mga estudyante sa kolehiyo.
“Dapat sundin ang priority list ng vaccination rollout,” aniya.
Nilinaw ni Go na gusto niya at ng pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng Filipino pero dapat sundin ang priority list dahil kasama ito sa kasunduan sa COVAX facility ng WHO.
Ayon kay Go, dapat maunang sumunod ang bansa sa regulasyon ng COVAX para hindi magkaproblema ang supply ng bakuna.
Gusto rin umano niyang unti-unting makabalik sa face-to-face classes ang mga estudyante pero dapat masiguro muna na ligtas ang mga ito.
Dagdag ni Go, kung siya ang masusunod at sobra na ang supply ng bakuna, ipag-uutos niya ang pagbabakuna sa lahat ng sektor. (ESTONG REYES)
159 