PALPAK NA MADRAS SECURITY PRINTERS, PASADO SA NEDA AT PSA

PALAGAY ko, inaabangan ng publiko ang susunod na aksyon ni Senadora Imee Marcos sa ginawa ng National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa national I.D. dahil mukhang mayroong anomalya rito.

Nitong Oktubre 9, hiningan ni Marcos ng kagyat na paliwanag ang NEDA at PSA tungkol sa pagka panalo ng Madras Security Printers at Mega Data Corporation sa naganap na bidding para sa paggawa ng pambansang I.D.

Ang Madras ay pag-aari ng mga negosyanteng Indian, samantalang ang Mega Data ay mga negosyanteng Filipino naman ang nagmamay-ari.

Nagsama ang dalawa sa bidding sa I.D. kung saan ito ang nanalo.

Ang I.D. ay siyang gagamitin na ng mga Filipino sa pakikipagtransaksyon nila sa bangko, pagkuha ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa alinsunod sa utos ng Republic Act 11055, o Philippine Identification System Act.

Noong Agosto 2018 ito naging batas.

Pinagpapaliwanag ni Marcos ang pamunuan ng NEDA at PSA dahil gusto niyang malaman – at palagay ko maging ng mamamayang Filipino – kung bakit nag-iisa na lamang na lumahok ang Madras – Mega Data sa pasubasta ng NEDA at PSA.

Totoo namang nakapagdududang nag-iisa ang partisipante sa subasta makaraang umatras ang iba pang kumpanya, ngunit itinuloy pa rin ng NEDA at PSA.

Ganito ang sabi ni Marcos noong Oktubre 9: “The original bidding requirement specified an on-premises system wherein a data center is physically set up at a selected site, but this was later modified to include remote hosting of data in a cloud-based system, according to the Philippine Computer Society Foundation.”

“After the rules were changed, all other bidders except Madras-Mega Data dropped out of the selection process, short of time to modify the logistics and financials of their bid proposals and meet the submission deadline reset by the PSA,” patuloy ng senadora.

Napalitan ang alituntunin sa pagsubasta kung saan naiwang nag-iisang bidder ang Madras – Mega Data.

Hindi ba’t amoy isda?

Mayroon bang anomalya?

Batay sa impormasyong inilatag ni Marcos, mayroong masamang rekord ang Madras sa Bangladesh at Kenya.

Pumalpak umano ang Madras na matapos at ipadala sa pamahalaan ng Bangladesh ang 500,000 cards na gagamitin ng Bangladesh Road Transport Authority sa proyekto nitong lisensya sa pagmamaneho.

Naparakami ng 500,000 cards.

Pokaragat na ‘yan!

Ang nangyari naman sa Kenya ay mahinang kalidad ng stamps ang ginawa nito para sa Kenya Bureau of Standards.

Dahil dito, lumuwang ang pintuan ng Kenya upang malayang makapasok ang mga inismagel na produkto.

Pokaragat na ‘yan!

Ang punto ni Marcos ay napakalaki ng posibilidad na hindi magawa ng Madras – Mega Data ang mga I.D. na kailangan ng mga Filipino tulad ng ipinamalas ng Madras sa Bangladesh.

At kung magawa naman ng Madras – Mega Data ay maaaring maging palpak ang kalidad na madaling masira tulad ng karanasan ng Kenya sa Madras.

Ngunit, nag-iisang bidder na pinayagan ng NEDA at PSA hanggang nagwagi sa nasabing subasta?

Aabot sa P4.1 bilyon ang ilalabas na pera ng administrasyong Duterte sa susunod na taon para sa nasabing I.D., kaya ganoon din kalaki ang pagdududa rito.

Ang P4.1 bilyon ay kasama sa P4.5 trilyong hinihinging badyet ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso para sa 2021.

Kaya, inaabangan kong ipatawag ni Marcos sa Senado ang mga opisyal ng NEDA at PSA upang malaman ang paliwanag ng mga ito.

Upang malaman kung sinadya ang pagbabago sa alintuntin upang maging solo na lamang ang Madras – Mega Data sa subastang isinagawa.

Malaking isyu ang ginawa ng NEDA at PSA para sa Madras Security Printers at Meda – Data Corporation, ngunit nakapagtatakang hindi ito pinag-uusapan sa social media.

Uulitin ko, tumataginting na P4.1 bilyon ang nakalaang pera ng pamahalaan sa nasabing sistema ng I.D.

101

Related posts

Leave a Comment