ITO ang mensaheng ipinarating ni Pilipino-Amerikanong coach na si Erik Spoelstra sa mga miyembro ng Miami Heat, sa kanilang mga taga-sunod at sa media sa aniya’y bigong kampanya nila sa 2020 NBA.
Naging emosyonal ang malambot magsalitang si Spoelstra sa paglalarawan ng madawag na daang tinahak ng kanyang koponan sa NBA Finals bubble na natapos noong Linggo, kung kailan natamo ng Los Angeles Lakers ang kanilang ika-17 titulo.
Ang malayong agwat ng resulta ng Game 6 sa pitong larong serye ay hindi inaasahan ni Spo at ng kanyang mga manlalaro, bagamat ang pagiging pangalawang pinaka-magaling na koponan sa daigdig ay hindi rin matatawaran.
Pumanglima ang Heat sa regular season at walang umasa na papasok sila sa post season playoffs. Sabihin ng himala, nakuhang madala ni coach Spo ang koponan sa playoffs kung saan tinablahan pa nila ang Lakers sa panalo-talong record na 12-3 matapos walisin ang Indiana Pacers, 4-0, sa first round ng best-of seven.
Ang Milwaukee Bucks ang nangunang koponan sa regular season, 4-1, ganoon din ang Boston Celtics, 4-1.
Umabante ang tropa ni coach Spo sa Finals para katawanin ang Eastern Conference kontra Lakers, na binigo naman ang tangka Portland Trailblazers, Houston Rockets at Denver Nuggets para katawanin ang Western Conference sa Finals.
Ang pagkatalo ng Heat, para kay Spo na ang inang si Elisa Celino ay tubong San Pablo City, Laguna, ay hindi kailanman magiging batik sa layo ng kanilang inabot.
“These are going to be lifetime memories that we have together,” anang Fil-Am coach sa media nang sumalang siya sa tradisyonal na post game press conference.
“Regardless of whatever happens in the future, we’re going to remember this year, this season, this experience and that locker-room brotherhood for the rest of our lives,” wika niya. “You’re in this business to be around people like this. And I can go on and on.”
Pagtatapat ni Spoelstra, two-time NBA champion, kung paanong ang kanyang mga manlalaro, sa kabila ng mga pinsalang natamo, ay isinulong pa rin ang kanilang sarili sa laban, at ginawang halimbawa sina Bam Adebayo at Goran Dragic na hindi nakalaro ng ilang beses sa Finals.
“That’s how this group was,” ani Spoelstra na nangailangan pang punasan ang luha sa kanyang mga mata bago sagutin ang mga katanungan ng media. “They wanted to do it for each other. I’m just really bummed that we couldn’t find a way to get over the hump and finish the season with the win. That’s not to take anything away, though, from the Lakers,” paglilinaw niya.
“It was great to share this stage with them. Congratulations on the championship. They earned it. They earned it in this series.”
Pinasalamatan ni coach Spo ang lahat ng nasa likod ng liga sa tagumpay sa bubble na idinaos sa Lake Buena Vista sa Florida, sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“To be a part of something as historic as this to continue our season, we felt — we feel — honored and grateful that we were able to be a part of this,” sabi pa ng Heat head coach.
