PANGHAHARAS NG ONLINE LENDING COMPANIES IKINABAHALA

NABAHALA si Senador Sherwin Gatchalian sa patuloy na pamamayagpag ng online lending companies at panghaharas na ginagawa sa mga nagkakautang sa kanila.

Kaya muling iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan ng batas na magbabawal sa mga hindi makatarungang paraan ng paniningil ng utang ng mga online lending companies.

Nagbabala si Gatchalian sa istilo ng mga lending companies kung saan ginagawa nilang mas madali para makautang ang mga tao.

Lumilitaw sa mga reklamo na natatanggap ni Gatchalian isang araw lang na hindi makabayad, puro pananakot na ang ginagawa ng mga tauhan ng online lending companies na ito.

Pinapahiya pa sa komunidad at minsan may pinapadalhan pa ng korona ng patay o bala.

Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill No. 818 o ang panukalang Fair Debt Collection Practices Act, na nagbabawal sa sinumang maniningil ng utang na gumawa ng anumang kilos ng panliligalig o pang-aabuso sa isang may utang.

Partikular na ipinagbabawal sa panukala ang paggamit o pagbabanta ng karahasan, paggamit ng malaswa o bastos na salita, at pagbubunyag ng pangalan ng may utang.

(DANG SAMSON-GARCIA)

14

Related posts

Leave a Comment