Papunta na sa exciting part ‘PATING, BALYENA’ NEXT TARGET SA FLOOD CONTROL SCAM – DILG

PAPUNTA na ang gobyerno sa paghuli sa mga “pating at balyena” o big-time personalities na umano’y sangkot sa flood control mess, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Tugon ito ng kalihim sa hinaing ng mga nagkilos-protesta noong Nobyembre 30 na puro “dilis at sapsap” lamang ang naaaresto, habang ang mas malalaking personalidad ay patuloy na nakakalaya.

“Ngayon papunta na tayo doon sa pating at balyena… malapit na ‘yan. Bigyan natin ang Ombudsman ng karapat-dapat na oras kasi mayroon siyang ethics sa pag-file ng case. Gusto niya may reasonable cases, reasonable certainty for conviction,” paliwanag ni Remulla.

Giit niya, kapag nagsampa ng kaso ang Ombudsman, malinaw na tiyak sila sa panalo: “Pag-file niya, ibig sabihin sigurado siya na mako-convict na lahat ‘yan. In his own time, lalabas ‘yan.”

Sa ulat, anim na indibidwal na sangkot sa flood control issue ang dinala na sa Quezon City Jail Male Dormitory.

“Capturing them is not the issue. If they’re in the Philippines, mahahanap ‘yan… It is the wheels of justice turning na hinihintay natin. The Ombudsman will file the necessary cases in its own time, and after that, if they have the warrant of arrest, we will get them. Hundred percent, we will get them,” dagdag pa ni Remulla.

Ayon pa sa kalihim, binibigyan lamang nila ng sapat na panahon ang Ombudsman upang masiguro na matibay ang kasong isasampa, lalo na laban sa malalaking personalidad na inaabangan ng publiko.

(CHRISTIAN DALE)

48

Related posts

Leave a Comment