NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng mas ligtas na mga paaralan at mas matibay na values formation kasabay ng paggunita ng School Safety Month ngayong Hulyo.
Ginawa ni Cayetano ang panawagan matapos ang sunod-sunod na mararahas na insidenteng kinasangkutan ng mga estudyante, kabilang ang pananaksak sa dalawang Grade 11 students sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City at pagkakasamsam ng .38-caliber revolver na may anim na bala mula sa isang Grade 10 student sa isang paaralan sa Barotac Nuevo, Iloilo.
Nauna rito ang school shooting sa Tacloban City at magkahiwalay na insidente ng pananaksak na kinasangkutan ng mga estudyante sa Cavite at Negros Occidental.
Sa ilalim ng Proclamation No. 115-A, s. 1966, idinaraos tuwing Hulyo ang School Safety Month upang isulong ang ligtas at maayos na kapaligiran sa mga paaralan.
Ayon kay Cayetano, mahalagang paigtingin ang seguridad sa mga eskuwelahan ngunit ang pagpigil sa karahasan ay nagsisimula sa tahanan at sa wastong pagpapalaki ng mga bata.
“We cannot allow violence at the home, in church, in school. Noong araw, iyan ang safe space. Pero ngayon, sa ibang parte ng mundo, marami na sa school, [violence ang] nangyayari,” ani Cayetano.
Matagal nang isinusulong ng senador ang pagpapalakas ng values education. Noong Hulyo 3, 2025, inihain niya ang Senate Bill No. 101 o ang Filipino Identity in Values Act na naglalayong palakasin ang values formation sa pamamagitan ng mga paaralan, pamilya, komunidad, faith-based organizations, at pamahalaan.
Karugtong ito ng kanyang House Bill No. 1 noong 18th Congress na naging Republic Act No. 11476 o GMRC and Values Education Act, na nagbalik sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education bilang core subjects sa K to 12 curriculum.
Binigyang-diin ni Cayetano na dapat manatiling pinakaligtas na lugar para sa mga bata ang paaralan, tahanan at mga lugar ng pagsamba.
“The reason that we’re more sensitive when it is schools, churches, or home is because this is the place where children should be safe.”
“Hindi tayo pwedeng ma-desensitize diyan. Hindi pwedeng maging normal iyan,” dagdag niya.
63 