DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa nais ipatupad ng bagong hepe ng Pambansang Pulisya na si Gen. Nicolas Torre III, ay paramihan ang mga pulis ng mahuhuli na mga sangkot sa ilegal na droga sa patuloy na anti-drug war ng gobyerno.
Sa unang tingin, mas makatao ito kumpara noong nakaraang administrasyon na tila nagkaroon ng paligsahan ng paramihan ng mapapatay na mga taong sangkot sa ilegal na droga kaya marami ang napatay na mga inosente.
Pero mukhang may problema rin sa patakarang ito ni Gen. Torre kung hindi muna didisiplinahin ang mga abusadong pulis na sa kagustuhang magkaroon ng accomplishment ay baka kung sino-sino na lamang ang huhulihin para makarami sila ng huli.
Noong panahon ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, maraming inosenteng mamamayan ang inakusahan ng mga pulis na gumagamit o kaya nagbebenta ng ilegal na droga kahit walang malinaw na ebidensya.
Maraming lumutang na mga kuwento noon na may mga pulis na gustong maka-quota para hindi matanggal sa kanilang pwesto kaya kahit sino na lamang ay inaakusahan nilang durugista, tinataniman ng ebidensya, hinuhuli at minsan ay napapatay dahil nagtangka raw lumaban.
‘Yung iba naman ay nag-ugat sa hidwaan ng magkakapitbahay at para makaganti ay gagawa ang isa ng kwento laban sa nakaaway at sasabihin sa mga kakilalang pulis na gumagamit ang kapitbahay ng ilegal droga at ang kasunod ay huhulihin, tataniman ng ebidensya at kapag minalas ay napapatay ang ginantihan at ginawan ng kwento.
Sa direktibang ito ni Gen. Torre, maaaring hindi na papatayin ng mga abusadong pulis ang mga taong pagbibintangan nilang gumagamit ng ilegal na droga kahit walang ebidensya, pero ang sigurado marami ang buhay na sisirain nila kapag nagkataon.
Hanggang ngayon ay marami pang kaso ng mga abusadong pulis ang hindi pa nireresolba ng Internal Affairs Services (IAS) ng Philippine National Police, na irereklamo ng pagtatanim ng ebidensya kaya posibleng gantihan ng mga iyan ang mga kaanak ng mga nagdemanda sa kanila.
Kaya dapat linawin ni Gen. Torre ang “paramihan ng huli” na ito dahil sabi ng mga inakusahan ng mga pulis at nanalo sa korte, matinding trauma ang inabot nila sa loob ng kulungan at nabaon sa utang sa pakikipaglaban sa korte para maibalik ang kanilang kalayaan na sinira ng mga abusadong pulis.
Kung magpaparamihan ng huli ang mga pulis, sana paramihan ng mahuhuling drug lords at mga nasa ibaba nila dahil noong nakaraang war on drugs, walang drug lord na napatay o nahuli man lamang.
Hanggang ngayon ay namamayagpag pa ang mga drug lord dahil kung hindi dapat ay walang bulto-bultong droga ang makukumpiska ng mga awtoridad pero maya’t maya ay nakababasa tayo ng hinggil sa nakukumpiskang bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ilegal na droga.
May kasabihan, para mapatay ang isang walang kwentang kahoy, hindi lang ang sanga ang dapat tagpasin kundi ang mismong puno.
