HABANG patuloy na umaarangkada ang agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea mula sa pag-ram, pag-shadow, paggamit ng military-grade lasers, hanggang sa pagpapakalat ng disinformation ay mas binibigyang lakas ng Pilipinas ang depensa nito.
Bilang tugon, inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang iba’t ibang hakbang para protektahan ang soberanya, pangalagaan ang karapatang pandagat, at ipagtanggol ang rules-based international order. Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw ang mensahe: maninindigan ang Pilipinas — at hinding-hindi susuko.
Patuloy ang AFP sa regular patrols at maritime presence bilang patunay ng ating soberanya sa gitna ng agresibong kilos ng Tsina. Ani Goitia, “Kapag ang presensya ay batay sa batas, nagiging tunay itong lakas.” Kahit limitado ang assets, tinatapatan ito ng Pilipinas ng matatag na prinsipyo.
Lumalawak din ang kooperasyon sa mga kaalyado sa pamamagitan ng joint patrols, maritime exercises, at diplomatikong koordinasyon. “Kapag may mga kaalyadong nakasuporta, nagiging imposibleng maitago ang anumang kilos na agresibo,” giit ni Goitia. Patunay na hindi nag-iisa ang Pilipinas — at bantay-sarado ng mundo ang kilos ng Beijing.
Pinatitibay rin ang transparency at mabilis na paglalabas ng impormasyon upang malabanan ang propaganda. Gamit ang dokumentadong ebidensya at international media exposure, unti-unting nabubunyag ang pekeng naratibo ng Tsina. “Walang kasinungalingang nakakatagal kapag nasinagan ng katotohanan,” sabi pa niya.
Nakasandig din ang AFP sa whole-of-nation approach — hindi lang militar ang kumikilos, kundi pati gobyerno, civil society, private sector, at komunidad. Layon nitong harapin ang cyber intrusions, influence operations, at political interference ng Tsina. “Sa oras na magkaisa ang bayan, hindi tayo kayang pabagsakin ng anumang puwersa mula sa labas,” paalala ni Goitia.
Mula sa paglikha ng militarized islands hanggang sa pagharang at pagbangga sa mga barko ng Pilipinas, malinaw ang paglabag ng Tsina sa international law at sa katatagan ng rehiyon.
Subalit nananatiling matatag ang Pilipinas.
“Ang dagat ay simbolo ng ating karapatan at pamana bilang bansa. Hindi ito basta-basta isinusuko,” giit ni Goitia.
Pinuri niya ang AFP sa paggamit ng transparency, pakikipag-alyansa, at pambansang pagkakaisa upang palakasin ang posisyon ng Pilipinas sa WPS. Aniya, “Nabubuhay ang soberanya kapag pinipili ng bayan ang tapang kaysa takot — at ang katotohanan kaysa pananakot.”
25
