PASSENGER BOAT, TINANGAY NI ‘FLORITA’

QUEZON – Isang cargo passenger boat ang nawawala matapos na tangayin ng malalaking alon dulot ng bagyong Florita sa bayan ng Jomalig sa lalawigang ito.

Batay sa report ng Jomalig Police, Lunes ng gabi nang madiskubre ng mga crew na nawawala ang MV Jomalig Express habang ito ay naka-angkla sa Jomalig Port sa Barangay Talisoy.

Wala namang sakay sa bangka na pag-aari ng alkalde ng nasabing bayan na si Mayor Nelmar Sarmiento, nang ito ay tangayin ng mga alon.

Ang Jomalig ang pinakamalayong island municipality sa lalawigan ng Quezon na nasa may bahagi na ng Pacific Ocean at isa sa mga unang lugar na nahagip ng pananalasa ng bagyong Florita bago pa man ito nag-landfall sa Isabela.

Patuloy ang isinasagawang paghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa nawawalang sea vessel.

Naglaan naman ng pabuyang P100,000 para sa makapagtuturo ng kinaroroonan at makapagbabalik  ng bangka. (NILOU DEL CARMEN)

172

Related posts

Leave a Comment