LOVE TRIANGLE SINISILIP SA ABDUCTION SA LAGUNA

LAGUNA – Love triangle ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pagdukot ng tatlong kalalakihan sa isang lalaki sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Rojin Perez na tinangay ng tatlong armadong kalalakihan mula sa kanilang bahay sa Brgy. Balibago.

Batay sa report ng Sta. Rosa City Police, tumawag pa ang biktima sa kinakasama nito na pauwi na ito sa kanilang bahay subalit nang lumabas ang babae para buksan ang gate, nakita nito na bitbit ito ng tatlong lalaki na armado ng maiiksing baril.

Nagtago ang ginang hanggang sa umalis ang mga suspek dala ang biktima.

Sa pahayag ng ginang sa pulisya, sinabi nito na ang dati niyang asawa na isang engineer ang nagbabanta sa kanila at nito lamang buwan ng Hulyo ay nagpakuha ito ng larawan ng biktima sa pamamagitan ng kanilang anak.

Ayon sa pulisya, ‘person of interest’ nila sa krimen ang engineer. (NILOU DEL CARMEN)

205

Related posts

Leave a Comment