MULING magpapakita sa publiko si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, isang linggo matapos kumalat sa social media na dumanas ito ng mild heart attack.
Sa mga araw kasi na hindi nakita ang pangulo ay pawang mga larawan at video lamang ang makikita na siya’y masigla at malakas.
Kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque na may magaganap na Talk To The People si Pangulong Duterte ngayong gabi.
“This confirms that PRRD will hold his talk to the people tonight. ‘I will join online,” ayon kay Sec. Roque.
Matatandaang noong nakaraang Lunes, Abril 5 ay hindi natuloy ang Talk To the People ni Pangulong Duterte at itinakda ito ng Miyerkoles,
Abril 7 ngunit hindi pa rin ito natuloy dahil sa maraming miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang tinamaan ng COVID-19.
Sinabi ni Senador Bong Go na gusto lang ng Malacañang na makasiguro na hindi makukompromiso ang seguridad at kaligtasan ni Pangulong Duterte laban sa COVID-19.
Hindi naman matiyak ng senador kung ilan ang miyembro ng PSG na nagpositibo at siniguro na ang mga nagpositibo ay walang direktang kontak sa pangulo, subalit gusto nilang matiyak na hindi mae-expose si Duterte sa sinomang tauhan ng PSG.
Karaniwang ginagawa ng pangulo ang ‘Talk to the People’ tuwing Lunes.
Huling nagsagawa ng Talk to the People si Pangulong Duterte noong Marso 29 matapos ang pagsalubong niya sa isang milyong Sinovac doses na donasyon ng China sa Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)
286 