INAMIN ng Department of Budget and Management (DBM) na mayroon pa ring unprogrammed at confidential funds sa ilalim ng 2027 proposed national budget, subalit mas maliit ang mga ito kumpara sa mga nakaraang taon at tiniyak na gagamitin lamang sa itinakdang layunin.
Sa press conference matapos ang pagsusumite ng panukalang badyet sa Kamara, sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon na ang unprogrammed appropriations sa National Expenditure Program (NEP) ay may “strict uses” at nakapailalim sa mga umiiral na patakaran sa paggamit ng pondo.
Nasa P111.984 bilyon ang unprogrammed funds sa 2027 budget, pinakamababa mula noong 2019 at katumbas lamang ng 1.5 porsyento ng total expenditure program, na pinakamababa rin mula noong 1991.
Ang unprogrammed appropriations (UA) ay standby financial buffer na isinasama sa national budget upang magamit sa oras na kailangang pondohan ang mga priority program o hindi inaasahang gastusin ng pamahalaan.
Maaari lamang gamitin ang UA kapag may dagdag na revenue collections, bagong tax resources o naaprubahang foreign loans.
Sa panig naman ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, sinabi nitong gaya noong 2026 budget ay mayroon ding UA sa 2027, subalit hindi na papayagang gamitin ito para sa infrastructure projects.
“We will make sure that the items in the unprogrammed appropriations are those that are really necessary,” ani Suansing.
Samantala, nasa P10.773 bilyon ang alokasyon para sa confidential at intelligence funds sa 2027 budget.
Sa nasabing halaga, P4.368 bilyon ang confidential funds habang P6.405 bilyon naman ang intelligence funds, o 8.8 porsiyentong mas mababa kumpara sa nakaraang taon.
Bago ito, ipinadala ng Malakanyang sa Kongreso ang panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027 na inihanda ng DBM.
Ngayong nasa kamay na ng House Committee on Appropriations ang NEP, magsasagawa na ito ng mga pagdinig upang himayin ang pondo para sa bawat ahensya ng pamahalaan.
Ang budget ay P407 bilyon o 6 porsiyentong mas mataas kumpara sa P6.793-trilyon para sa 2026.
(TINA MENDOZA/CHRISTIAN DALE)
64 