PBBM NAKIRAMAY SA MGA BIKTIMA NG MAGKASUNOD NA LINDOL SA VENEZUELA

NAGPAHAYAG ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga biktima ng dalawang magkasunod na malalakas na lindol na tumama sa Venezuela noong Hunyo 24.

“On behalf of the Filipino people, I extend our heartfelt sympathies,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kaisa ng Pilipinas ang mamamayan ng Venezuela sa pagharap sa matinding pagsubok na dulot ng kalamidad.

Dagdag pa niya, umaasa ang bansa sa ligtas at mabilis na pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), unang tumama ang magnitude 7.1 na lindol na sinundan ng mas malakas na magnitude 7.5 makalipas lamang ang isang minuto.

Naitala ang episentro malapit sa Morón sa estado ng Carabobo at naramdaman ang pagyanig hanggang sa kabisera ng Caracas.

Maraming gusali ang gumuho kabilang ang ilang matataas na istruktura sa Caracas habang libo-libong residente ang nagtakbuhan palabas ng kanilang mga tahanan at opisina.

Nagbabala ang USGS na posibleng lumampas sa 10,000 ang bilang ng mga nasawi habang libo-libo rin ang sugatan. Patuloy naman ang search and rescue operations upang mailigtas ang mga naipit sa ilalim ng mga guho.

Naapektuhan din ang Maiquetia International Airport kung saan pansamantalang sinuspinde ang mga flight, habang nakaranas ng malawakang pagkawala ng kuryente at komunikasyon ang ilang rehiyon.

Nagpalabas pa ng tsunami warning ang US Tsunami Warning System para sa ilang bahagi ng Caribbean ngunit kalaunan ay binawi rin ito.

Nanawagan naman si Interior Minister Diosdado Cabello sa publiko na umiwas sa mga nasirang gusali at manatiling alerto sa posibleng aftershocks habang nagpapatuloy ang rescue operations sa Caracas at mga karatig-lalawigan.

(CHRISTIAN DALE)

44

Related posts

Leave a Comment