ITINURING ng Malakanyang na bahagi ng diskarte ng prosecution panel ng Kamara de Representantes ang planong pagharap kay “Mary Grace Piattos” bilang testigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong rekord ng kapanganakan, kamatayan o anumang pagkakakilanlan ng isang taong nagngangalang “Mary Grace Piattos.”
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nasa pagpapasya ng prosekusyon kung itutuloy nito ang naturang plano.
“Strategy po nila ‘yun. Strategy nila. Pero kung ayon sa PSA ay walang Mary Grace Piattos, so baka mahirapan silang makita kung sino ‘yung Mary Grace Piattos,” ani Castro.
Unang naging sentro ng usapin ang pangalang Mary Grace Piattos sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Batay sa mga acknowledgement receipt na iniharap sa pagdinig, kabilang umano si Piattos sa mga tumanggap ng confidential funds mula sa tanggapan ng Bise Presidente.
Ayon sa pre-trial brief ng prosekusyon, nakatakdang iharap si Piattos bilang testigo para sa Article 1 ng impeachment complaint na nag-aakusa kay Vice President Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.
Noong Pebrero, sinabi naman ng kampo ni Duterte na handa silang ipaliwanag ang paggamit ng mga alyas sa confidential fund transactions, kabilang ang pangalang “Mary Grace Piattos.”
Bukod kay Piattos, lumitaw rin sa mga acknowledgement receipt ang iba pang pangalan gaya nina Xiaomi Ocho, Kokoy Villamin at Milky Secuya.
(CHRISTIAN DALE)
34 