PBBM TINIYAK FOOD SUPPLY SA GITNA NG MIDDLE EAST CRISIS

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa habang nagsasagawa ang administrasyon ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng patuloy na kaguluhan sa Middle East, partikular ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

Sa isang Kapihan matapos ang kanyang paglahok sa 18th BRICS Summit sa New Delhi, India, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ang pamahalaan sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain at abot-kayang presyo sa kabila ng epekto ng geopolitical tensions sa energy markets at global supply chains.

“There are certain things that you cannot control, you have no influence over, such as the war in Iran and the volatility of the prices of oil. You can, however, do something about food,” ani Pangulong Marcos.

“So, ‘yun ang tinitiyak namin. That’s why in the past few days, marami kayong naririnig, sapat ang food supply dito sa atin sa Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ng estratehiya ng administrasyon ang pagtiyak sa sapat na suplay ng pagkain upang hindi direktang maapektuhan ng sigalot sa Middle East ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Binigyang-diin din ng Pangulo na partikular na tinututukan ng pamahalaan ang pagpapababa ng presyo ng pagkain habang patuloy na nagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya.

Bilang bahagi ng mga hakbang na ito, ibinahagi ni Pangulong Marcos na isinusulong ng Pilipinas ang posibleng pangmatagalang kasunduan sa suplay ng bigas mula sa Vietnam.

Sinabi ng Pangulo na tinalakay ang usapin sa kanyang 20-minutong bilateral meeting sa Vietnamese leader sa sidelines ng BRICS Summit. Kabilang sa mga napag-usapan ang rice imports, presyo ng bigas at posibilidad ng long-term contract.

Binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng mga pag-uusap na matiyak ang matatag na suplay ng bigas at mapababa ang presyo ng pagkain para sa mga mamimiling Pilipino.

Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang mga local government unit sa pagtulong sa national government sa paghahatid ng ayuda sa mga komunidad, partikular sa panahon ng mga emergency at kahirapang pang-ekonomiya.

Samantala, pinaiigting ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapanatiling kontrolado ang presyo ng mga pangunahing bilihin habang nanganganib ang pandaigdigang suplay ng langis.

Sa naturang Kapihan forum kasunod ng 18th BRICS Summit sa New Delhi, India, sinabi ni Pangulong Marcos na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapanatiling abot-kaya ng presyo ng mga bilihin at pagtugon sa inflation.

“The real problem that’s driving all of this is inflation,” ayon sa Pangulo, sabay sabing, “Food follows fuel.”

Nabanggit ni Pangulong Marcos na nananatili sa pagitan ng 2% at 3% ang core inflation, na hindi kabilang ang pagkain at langis, habang patuloy na nakaaapekto sa pangkalahatang inflation ang presyo ng pagkain at langis.

Kabilang sa mga binanggit ng Pangulo na nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang suplay ng langis ang pagsasara ng Strait of Hormuz, mga pag-atake sa oil infrastructure at tumitinding tensyon sa Red Sea.

Sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na tumutugon ang pamahalaan sa mga external pressure upang mapagaan ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin.

“We’re trying to do everything that we can to keep prices down,” pahayag ng Pangulo.

(CHRISTIAN DALE)

32

Related posts

Leave a Comment