IKINATUWA ng Korte Suprema (SC) ang halos perfect attendance na naitala sa ikatlo at huling araw ng 2026 Bar Examinations, kung saan umabot sa 99.9% ang turnout ng examinees.
Batay sa datos ng SC, 12,010 sa kabuuang 12,017 examinees na kumuha ng ikalawang araw ng pagsusulit ang tumuloy at nakatapos sa final day ng Bar Examinations.
Saklaw sa huling araw ng pagsusulit ang Criminal Law, Remedial Law at Legal and Judicial Ethics.
Nanguna ang University of San Jose-Recoletos sa may pinakamaraming examinees na umabot sa 1,324, habang 357 naman ang bilang ng examinees mula sa Cagayan State University.
Ayon kay 2026 Bar Chairperson at Associate Justice Samuel Gaerlan, ikinatuwa niya ang mas mataas na bilang ng mga kumuha ng pagsusulit ngayong taon kumpara sa mga nakaraang taon.
Inaasahang ilalabas ang resulta ng 2026 Bar Examinations sa unang bahagi ng Enero, kung saan maaaring ipagdiwang ng mga bagong abogado ang kanilang pagkakapasa sa pagsusulit.
(JULIET PACOT)
53 