TIMBOG ang limang indibidwal kabilang ang dalawang aktibong pulis, sa ikinasang entrapment operation sa Pampanga.
Sa isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga sa Camp Crame, ibinunyag ni PNP chief, PGen. Melencio Nartatez Jr., inaresto ang lima kabilang ang dalawang aktibong pulis, sa umano’y extortion scheme na tumatarget sa mga aplikante ng PNP.
“Huwag natin gawing negosyo ang ating uniporme,” bahagi ng talumpati ni Nartatez.
Sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya, nakabatay sa merit, qualification at integrity ang recruitment sa PNP, at walang slot na ibinebenta o ipinangangako.
Makaraang matanggap ng mga awtoridad ang nasabing reklamo ay agad ikinasa ng CIDG Regional Field Unit 3, CIDG Pampanga, CI-RID PRO 3, Regional Special Operations Group at San Fernando City Police Station ang operasyon.
Kaagad namang naaresto ang mga suspek makaraang tanggapin ang marked money sa isinagawang entrapment operation sa harap ng isang shooting range store sa Barangay San Nicolas, San Fernando City, Pampanga.
Napag-alaman na isang 29-anyos na PNP applicant ang pinangakuan na tutulungan para makapasok sa serbisyo ng pulisya.
Una umanong humingi ang mga suspek ng P250,000, bago ibinaba sa P150,000.
Sa isinagawang follow-up investigation, natukoy naman ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang aktibong pulis.
Isang police lieutenant na team leader ng Basilan Provincial Cyber Response Team ng Anti-Cybercrime Group ang naaresto sa Quezon City, habang isang patrolman ng 2nd PMFC ng Zambales PPO ang naaresto sa loob ng Camp Olivas.
(TOTO NABAJA)
36 