INILAGAY ng Armed Forces of the Philippines ang lahat ng kanilang yunit sa red alert status sa gitna ng mga ikinakasang malawakang kilos-protesta bunsod ng garapalang multibillion anomaly sa flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, simula pa noong Biyernes ay itinaas na nila ang antas ng kanilang alerto at may mga tauhan na inilagay sa standby habang wala munang pinapayagan na mag-file ng ‘leave’.
Subalit nilinaw ni Col. Padilla na ito ay paghahanda lamang bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa Philippine National Police.
“Bahagi lamang ito ng aming precautionary measure. Ito ay isang standard security protocols. Nais naming bigyang-diin na wala tayong dapat na ikabahala.
Samantala, nilinaw rin ng Philippine National Police (PNP) na patuloy na ipinatutupad ang ‘no permit, no rally’ policy para sa ikakasang mga kilos-protesta sa mga susunod na araw, ayon kay Acting PNP chief, PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon kay Acting PNP chief, ang organizers ng mga isasagawang kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ay dapat lamang na kumuha ng kani-kanilang permit upang payagang magsagawa ng kanilang mga programa.
Kasunod nito, binigyang paalala rin ni Nartatez ang mga raliyista na ang EDSA People Power Monument at EDSA Shrine ay hindi isang ‘freedom park’ kaya naman mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga lugar na ito bilang pagdarausan ng mga ganitong pagtitipon.
Ani pa ni Nartatez, alam na dapat ng mga raliyista ang mga patakaran na ito at maaari na lamang aniya na sundin ang mga alituntunin na ito, bilang mga bihasa na sa pagpapaputok ng mga kilos protesta.
Samantala, kaugnay naman sa mga walang makukuhang permit, hiniling at ipinanawagan ni Nartatez na ang mga magra-rally nang walang kaukulang dokumento ay huwag na lamang tumuloy sa pagkakasa ng kanilang mga programa.
Aniya, bagama’t ito ang pakiusap ng Pambansang Pulisya ay tiniyak naman ng Acting PNP chief na nakahanda ang kanilang hanay at patuloy rin ang implementasyon ng maximum tolerance para sa mga grupong pipiliin pa ring mag-rally nang walang permit.
Sa kasalukuyan, nakaantabay ang hanay ng military at pulisya para sa ikakasang malawakang kilos-protesta sa Luneta sa darating na Linggo, Setyembre 21, bilang panawagan ng mga progresibong grupo laban sa korupsyon, kasabay ng paggunita sa deklarasyon ng Martial Law ng iba’t ibang grupo.
“The AFP stands firm in its duty to preserve peace, protect democratic institutions, and ensure the safety and security of our people,” ayon pa sa pamunuan ng Hukbong Sandatahan.
Nitong Linggo, inihayag ng Transport group na Manibela, magsasagawa sila ng tatlong araw na transport strikes mula Setyembre 17 hanggang 19.
Habang ang grupong Piston ay magsasagawa naman ng transport strike laban sa korupsyon sa Setyembre 18, 2025.
(JESSE RUIZ)
235
