NGAYON pa lamang ay pinaghahandaan na nang husto ng Philippine National police ang ilalatag na seguridad kaugnay sa nakaambang anti-corruption rallies ng mga progresibong grupo sa darating na Setyembre 21.
Ayon sa PNP-National Capital Region Police Office, magtatalaga sila ng mahigit sa 15,000 police officers para pangalagaan ang kaayusan at seguridad sa isasagawang anti-corruption rallies.
“We are preparing for that,” sinabi ni NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano sa media nitong Huwebes.
“We will be deploying more than 15,000 na mga kapulisan natin to ensure na ‘yung mga rallies na mangyayari ay peaceful, although we respect ‘yung kanilang karapatan to express themselves,” pahayag pa ng heneral.
Nabatid na ilang militanteng grupo ang naghahanda para magsagawa ng kanilang malawakang kilos-protesta para muling ipagsigawan ang talamak na korupsyon sa gobyerno, isang taon ang nakalipas matapos ang Trillion Peso March o flood control controversy rallies.
Nataon ang nasabing mga pagkilos sa paggunita sa ika-54 taon ng Martial Law Declaration ni dating President Ferdinand E. Marcos Sr., ang ama ng kasalukuyang pangulo ng bansa na si President Ferdinand R. Marcos Jr.
Kaugnay sa kanilang inilalatag na security blanket ay inihayag ni Abrahano na, “Pinaigting natin ‘yung coordination sa ibang intelligence units para at least ma-[foresee] natin kung anong mga grupo na susubok na humalo.”
Magugunitang may mga kaguluhang naitala sa naunang anti-corruption rallies sa Manila noong Setyembre 21 ng nakalipas na taon kung saan may isang nasawi habang marami rin ang dinakip dahil sa paghahasik ng kaguluhan.
“We are also establishing coordination with the known leaders nitong mga grupong ito para masabihan na sila, maaga pa lang ay makausap na,” sabi pa ng opisyal.
Ngayon pa lamang ay inabisuhan na ni Abrahano ang kanyang mga tauhan na, “Kailangan natin ng maraming tao. Wala munang leave. Kailangan tulong-tulong muna at we need a pool of policemen para magbantay sa mga kalsada natin.”
Samantala, nagbabala ang mga progresibong grupo na muli nilang paiigtingin ang kanilang pagkilos kaugnay sa paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), isang taon na ang nakalipas subalit wala pa ring nangyayari sa multi-bilyong flood control scams.
“May ilang kinasuhan. May nakulong, ginawang witness, at lumaya. Samantala, ang mga mastermind ng korupsyon ay hindi iniimbestigahan,” pahayag pa ng grupong Bayan.
(JESSE RUIZ)
77 