PINANGANGAMBAHANG hindi bababa sa lima katao ang nasawi sa nasunog na ferry malapit sa isang tourist hotspot sa Palawan noong Miyerkoles ng gabi, dahil mahigit 80 pa sakay nito ang iniulat na nawawala.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasunog ang barko na M/V June Aster, tinatayang nasa 2.2 kilometro mula sa dalampasigan nang sumiklab ang apoy.
Base sa inisyal na report, lima na ang iniulat na nasawi at ibinaba na sa pampang.
Sa video na ipinaskil ng PCG sa Facebook, makikitang nilalamon ng apoy ang buong barko noong Miyerkoles ng gabi.
“Based on the data we have right now on rescued (42) and the casualties, we still have 87 people who are unaccounted for,” pahayag ni Coast Guard Captain Noemi Cayabyab sa media.
Sabi ni Cayabyab, batay sa manifesto ng barko, may sakay na 117 pasahero at 17 tripulante o kabuuang 134 katao ang barko.
“Just to make it clear, this is live data and may change as our search and rescue operations are ongoing,” sabi pa ng tagapagsalita ng PCG.
Sa 42 na nailigtas, 38 ang pasahero at apat ang crew, ayon kay Cayabyab.
“However, we have not yet been able to obtain information from the rescued individuals because we have not been able to speak with them,” wika niya, habang nagpapatuloy ang mga pagtatangka na maapula ang apoy.
Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad upang matukoy ang kinaroroonan ng mga nawawala.
Batay sa tracking data ng Marine Traffic, umalis ang M/V June Aster mula sa Baseco area sa Maynila at patungo sa Coron nang lamunin ng apoy bandang alas-6:45 ng gabi sa karagatang sakop ng Barangay Marcilla sa Coron, Palawan noong Miyerkoles, Setyembre 9, 2026.
Dinala ang mga nasawi sa Barangay Turda Covered Court sa Coron, Palawan.
Inihahanda naman ang pag-turnover sa kanila sa Coron Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy ang operasyon ng Coast Guard District Palawan at iba pang responding units upang sistematikong hanapin ang mga posibleng nawawala sa karagatang malapit sa lugar ng insidente.
Nakatuon ang mga awtoridad sa patuloy na pagtukoy at pagsagip sa mga indibidwal na maaaring hindi pa natatagpuan matapos ang sunog. Nilinaw nitong maaari pang magbago ang bilang habang nagpapatuloy ang operasyon.
Nakipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, lokal na pamahalaan ng Coron at mga shipping line upang magsagawa ng agarang rescue operation.
Nagpadala rin ng mga tauhan ang Coast Guard Special Operations Group at Maritime Environmental Protection Unit-Northeastern Palawan. Tumulak naman mula sa El Nido ang BRP Suluan upang tumulong sa operasyon.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
(JESSE RUIZ)
66 