Kurdapyo ni TOTO NABAJA
NANG dahil sa kapabayaan, isa na namang marahas na insidente ng madugong pamamaril ang naganap na ikinasawi ng dalawang estudyante sa Ateneo De Zamboanga University (ADZU) High School Campus sa Lunzuran, Zamboanga City.
Ito ay kapabayaan sa tamang pag-iingat ng ilang gun owner at kapabayaan sa paghihigpit sa tamang seguridad sa mga paaralan.
Tsk, tsk, tsk, kapwa honor student pa naman ang biktima at ang suspek na nagbaril din sa kanyang sarili.
Ang matindi nito, mga Ka-Toto, naka-livestream pa ang suspek na nakasuot ng body worn camera habang walang habas na namamaril kung saan kitang-kita sa bidyo ang nagtatakbuhan at mga nakadapang estudyante.
Hindi ito isang pelikula, hindi ito isang content, kundi isa itong real time.
Agad namang pinakilos ni PNP chief, P/Gen Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group para tanggalin ang nagkalat na
larawan at video online sa ADZU shooting incident, kasabay ng apela sa netizens na maging responsable sa pag-share ng mga video sa social media.
Simula June 16, 2026 hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala ang PNP ng 50 mga insidente na kinasasangkutan ng mga Child in Conflict with the Law (CICL) sa loob ng mga paaralan.
Sa datos ng PNP, 26 dito ang mga bomb threat, 12 ang shooting threat, 4 ang stabbing o pananaksak, 4 na paglabag sa RA 10591 o ang Illegal Possession of Firearms, 2 ang death threat at 2 kaso ng pamamaril.
Sa unang insidente ng pamamaril sa Tacloban City ay 3 ang nasawi, ikalawa ang nangyari kamakailan sa ADZU kung saan 2 ang namatay kasama ang suspek na anak ng isang police commander ng Port of Zamboanga ng Bureau of Customs.
Sinibak na sa pwesto ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang tatay ng suspek para hindi makaimpluwensya sa isasagawang imbestigasyon.
Mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, natuklasan ng mga awtoridad na ang dalawang baril na ginamit ng suspek ay kinabibilangan ng isang lisensyado na pagmamay-ari ng kanyang tatay, at ang isa naman ay BOC-issued firearm.
Hindi naman katanggap-tanggap para kay DILG Sec. Jonvic Remulla ang paliwanag ng ama ng suspek, na nakuha ng kanyang anak ang baril sa loob ng gun bag. Aray Naku! Pakak!
May kasabihan nga na ang baril ay itinuturing na parang asawa na hindi pwedeng hawakan ng kahit sino. Ha ha ha… Ambot sa bakang biyuda.
Dahil sa nasabing insidente, hinimok ni Remulla ang Kongreso na ibalik bilang non-bailable offense ang illegal possession of firearms sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 8294 o “Robin Padilla Law.”
Pero teka, linawin lang natin, mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, walang batas na “Robin Padilla Law” kundi tawag lang ito sa (RA-8294) isang batas noong 1997 na nagpababa sa parusa at ginawang bailable ang pag-iingat ng hindi lisensyadong baril.
Anong masasabi n’yo dito, mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya? Napakahalaga ng inyong komento at reaksyon.
Ay! Abaw ah. Alam n’yo ba na nakinabang ang ating Senador Robinhood Padilla sa nasabing batas, noong 1995 ay nakulong si Padilla, dahil sa lumang batas tungkol sa baril.
Dahil sa nasabing batas (RA-8294) ay nabago ang estado ng kanyang kaso at kalaunan ay naging pabor sa kanya.
80 