PONDO PARA SA HEALTH WORKERS SA QUEZON IPINASISIYASAT

NAIS isang civil society group na idulog sa Malacañang ang usapin hinggil sa pondong inilaan sa mga health worker sa lalawigan ng Quezon kasunod ng mga reklamo hinggil sa pagkabalam ng sweldo ng mga ito.

Ayon kay Quezon Rise Movement (QRM) co-convenor Lani Santos, halos sumala na sa pagkain ang mga health worker bunga ng hindi umano pagbibigay suporta sa kanila ng pamahalaang panlalawigan.

Kaya naman plano nilang paimbestigahan ang problema ng mga health worker upang matukoy kung totoong nawawala ang pondong laan sa sahod ng mga ito at pambili ng mga medical equipment para sa paglaban sa COVID-19 infection sa probinsya.

Nanawagan si Santos sa Malacañan partikular sa Presidential Anti-Crime Commission, sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte at kay DILG Secretary Eduardo Año na agarang imbestigahan ang nasabing usapin bago pa lumala ang bilang ng mga namamatay at nagkakasakit dulot ng COVID-19 sa probinsya.

Sa kasalukuyang tala ng Department of Health, umabot na sa mahigit 700 kaso ng pagkamatay dulot ng COVID-19 sa lalawigan.

Nitong Huwebes, July 22, siyam ang iniulat na nadagdag sa mga nasawi na hinihinalang dahil sa COVID-19 sa lalawigan kaya umakyat na sa 736 ang death toll nito.

Sa ulat mula sa Integrated Provincial Health Office, nakapagtala ng tatlong nasawi sa bayan ng Candelaria; ang Lucena City at Sariaya naman ay may tig-dalawa; at tig-isa sa bayan ng Atimonan at Unisan.

Sa tala mismo ng budgetary office ng Quezon provincial government, nanatiling di apektado ang sweldo ng mga regular at contractual employees ng provincial capitol sa di pagpasa ng 2021 budget. Nasa ilalim ngayon ng isang re-enacted budget ang lalawigan makaraang matuklasan ng provincial board ang mga diumano’y kwestyonableng proyektong isiningit sa annual budget proposal na hindi tugma sa annual investment plan ng probinsya.

Mahigit 76 milyong piso ang inilaan ng provincial government sa pasuweldo mula sa pangkalahatang budget na 655 million pesos ng Quezon province.

Sa panayam din kay Bokal Sonny Ubana, majority floor leader, natuklasan ng walong miyembro ng provincial board na hindi tumutugma ang panukalang badyet sa pangakong layunin ni Quezon Governor Danilo “Danny” Suarez na pagtutuunan ng pamahalaang panlalawigan ang pagtulong sa mamamayan laban sa COVID-19.

Sa 2021 proposed budget, tinagpas umano ni Suarez ang mahigit 20% sa badyet ng mga ospital ng lalawigan maliban sa dalawang ospital sa kanyang distrito. Hindi rin aniya pumayag ang Sangguniang Panlalawigan na maglaan ng mas malaking badyet para sa pagpapagawa ng mga kalsada, basketball courts at ibang imprastraktura.

Para sa board members, mas maigi na paglaanan nila ng atensyon ang laban sa COVID-19, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte.

Walong board members umano ang hindi sumang-ayon sa panukalang badyet ni Suarez at lima lamang ang nais itong ipasa. (FERNAN ANGELES)

178

Related posts

Leave a Comment